Tagalog news: Gender Sensitivity Seminar bahagi ng pagdiriwang ng Phil Civil Service Month
LUNGSOD NG SORSOGON, Set 14 (PIA) -- Abot sa 50 kalahok mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na kinabibilangan ng mga naabusong kababaihan, mga kabataan, kasapi ng Provincial Gender Advocacy and Development Council (PGADC), at focal persons ng lalawigan ang dumalo ngayon sa isinagawang Gender Sensitivity Seminar.
Ayon sa Vice Chairperson ng PGADC na si Rebecca Aquino, ang aktibidad ay bahagi nang pagdiriwang ngayong taon ng Philippine Civil Service Month kung saan layunin nitong mapalalim pa ang kamalayan ng mga kalahok lalo na ng mga kabataan ukol sa papel na ginagampanan ng mga kababaihan at kalalakihan bilang kasapi ng maayos na komunidad.
Layunin din ng seminar na mabigyang-linaw at baguhin ang ilang mga maling kaugalian, tradisyon at kaisipan o pananaw na matagal nang pinaniniwalaan ng lipunan na naging sanhi upang mawala ang tunay na kahulugan ng pantay na responsibilidad at papel ng mga kababaihan at kalalakihan sa lipunang kanilang ginagalawan.
Naisakatuparan ang nasabing seminar sa pagtutulungan ng Civil Service Commission Sorsogon Field Office, Sangguniang panlalawigan at ng PGADC. (MAL/BAR-PIA 5, Sorsogon)
Number of Comments: 0