Tagalog news: Sorsogon pangalawa sa may pinakamababang antas ng malnutrisyon
LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 1 (PIA) -- Matapos ilabas ngayong Hulyo ng National Nutrition Council (NNC) ang resulta ng Operation Timbang na isinagawa noong 2011, lumabas na ang lalawigan ng Sorsogon ang pangalawa sa may pinakamababang bilang ng mga batang malnourished.
Sa ulat ng NNC Bicol, pinakamataas na naitalang bilang ng malnutrisyon ang lalawigan ng Camarines Sur na may 19 porsyento.
Sumunod dito ang Catanduanes na may 18.3 porsyento, Masbate na may 16.39 porsyento, Albay na may 14.91 porsyento, Sorsogon na may 13 posyento at pinakamababa naman ang Camarines Norte na may 12.97 porsyentong bilang ng malnutrisyon.
Ayon sa NNC, karamihan sa mga nabibilang sa mga batang malnourished ay yaong mga kulang sa timbang sanhi ng kakulangan sa pagkain lalo na ng gulay at iba pang mga masusustansyang pagkaing dapat ay araw-araw na naibibigay sa mga bata.
Maliban sa kakulangan sa pagkain at tamang nutrisyon, ang maling pamamaraan ng pagpili ng pagkain ng mga bata ang isa rin sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng malnutrisyon.
Maging ang hindi maayos na nutrisyong nakukuha ng mga buntis na ina ay maaari ding makaapekto sa tamang paglaki, talino at abilidad na matuto ng mga bata.
Malaki din ang papel na ginagampanan nang maayos na nutrisyon upang lumakas ang resistensya at hindi kaagad dapuan ng sakit ang isang bata.
Naniniwala naman ang mga halal na opisyal at mga opisyal sa kalusugan dito na nakabase ang tagumpay ng anumang programa sa nutrisyon sa mga ginagawang hakbang ng mga opisyal lalo na sa lebel ng mga barangay.
Pangunang responsibilidad din ng mga barangay at municipal-LGUs ang pagsubaybay sa mga insidente ng malnutrisyon sa isang lugar. (MAL/BAR/MAH-PIA5,Sorsogon)
Number of Comments: 0