Tagalog news: Veterinary Office nag-abiso sa tamang pangangalaga ng aso
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 19 (PIA) –- Nanawagang muli ang beterinaryo ng lungsod sa may mga alagang aso na pagawan ang mga ito ng sariling kulungan o di kaya’y itali, pakainin nang mabuti, at painumin nang malinis na tubig at bitamina para masigurong ligtas sa mga sakit.
Sinabi ni Dr. Alex Destura na dapat isaalang-alang ng mga may alagang aso ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga sarili at kapamilya.
Aniya, maaaring mahawaan rin ng sakit ang mga kasapi ng pamilya kung kaya’t mahigpit ang panawagan na tiyaking ligtas sa sakit ang kanilang mga alaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang atensiyon at pangangalaga.
Dagdag pa ng beterinaryo na kapag buntis ang aso dapat dagdagan ang pagkaing ibinibigay dito lalo na ang likas sa bitaminang calcium at phosphorus upang ang mga nasa sinapupunan nito ay maging malakas at maresistensiya paglabas.
Nagbabala rin siya sa publiko na puspusan ang kanilang paghuli sa mga galang aso at umaabot sa P500 ang parusa na ipapataw sa may-ari ng mga ito kung sila’y pakalat-kalat sa lansangan.(MAL/BAR/FBT-PIA 5, Sorsogon)
-
Number of Comments: 0