Tagalog news: Mga pagsasanay sa disaster reduction, patuloy ngayong Nat'l Disaster Consciousness Month nagpapatuloy
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 10 (PIA) -- Sa pagdiriwang ngayong taon ng National Disaster Consciousness Month, nakatuon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRMC) sa pagbibigay ng mas malalalim pang mga pagsasanay at kahandaan nang sa gayon ay matiyak na “ligtas ang bayan at maunlad ang mga pamayanan.”
Sa pagbubukas ng pagdiriwang noong Hunyo 2, nagkaroon ng misa, na sinundan ng isang motorcade.
Sinimulan na rin noong sabado ang pagpapalabas ng mga pelikulang may kaugnayan sa pag-iwas sa mga panganib dala ng pagbabago ng panahon at kalamidad at kung anu-anong mga ahensya ng pamahalaan at organisasyon ang maaaring lapitan sa panahon ng kagipitan dala ng kalamidad. Ang palabas ay nakaiskedyul tuwing sabado sa buong Hulyo sa Capitol Park, 6:30 n.g.
Samantala, sa ikalawang regular na pagpupulong ng PDRRMC, binigyang-linaw din at naging makabuluhan ang ginawang paglalahad ng mga suhestyon at rekomendasyon ng media matapos ang naganap na Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CAA) Orientation.
Ayon kay Raden D. Dimaano ng disaster council sa Sorsogon, sisimulan ngayon ang tatlong araw na DRR-CCA orientation para sa mga provincial department head at kanilang assistant alinsunod sa itinatalaga ng batas. Aniya, alinsunod sa RA 10121, Rule 10 Sec. 14, ang lahat ng mga pampublikong manggagawa ay dapat na sumailalim sa emergency response and preparedness training.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ang PAGASA sa pakikipagtulungan sa PDRRMC ng disaster awareness and risk reduction Information and Education Campaign (IEC) sa publiko sa darating na Biyernes, Hulyo 13 sa Sorsogon City.
Kasabay din nito ang pagsasailalim sa mga kasapi ng provincial, municipal, at city DRRMC sa isang araw na seminar-workshop kaugnay ng paggamit ng mga datos mula sa Automatic Weather Station (AWS) bilang pagpapaigting pa ng kasanayan kaugnay ng posibilidad ng pagbaha at pagtataya ng panahon. (BAR/VAL-PIO,SPDRMO/PIA)
Number of Comments: 0