Tagalog news: Mga bilanggong nakalabas na sa provincial jail umaabot sa 174
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 20 (PIA) -- Umaabot sa 174 na mga bilanggo ang nakalabas na sa Sorsogon Provincial Jail (SPJ) simula Enero 2011 hanggang Abril ng taong kasalukuyan ayon sa ipinalabas na tala ng SPJ sa pamumuno ni Officer In Charge Jail Warden Ret. Gen. Rufino Escote.
Sa nasabing tala, nakasaad dito na 10 sa kabuuang bilang na 174 ang pinagdusahan na ang kanilang sentensya, 22 ang nailipat na sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa, isa ang nabigyan ng parole, tatlo ang nasa probation, 13 ang nasa recognizance na ang ibig sabihin ay inalis na ang bilanggo sa ilalim ng kustodya ng jail warden, walo ang napawalang-sala, 14 ang ‘dismissed with prejudice’ na ibig sabihin ay permanente nang nadismiss ang kaso, 44 ang ‘dismissed without prejudice’ na ang ibig ay nadismiss ang kaso dahilan sa naisampa ito sa maling korte, habang isa ang hindi na itinuloy pa ng complainant ang kaso.
Dalawa naman ang nakalabas na matapos aprubahan ang kanilang aplikasyon ng Article 29 ng Revised Penal Code, tatlo ang inilipat sa Bureau of Jail Management and Penology District Jail, 51 ang nakapagpiyansa at dalawa ang nakalaya base sa ibinigay na kautusan ng korte.
Sa 174 na mga nakalaya na bilanggo, 111 sa mga ito ay itinuring nang malinis at wala nang kaso sa batas.
Ang mga bilanggong kasama sa iprinisintang bilang ay nakagawa ng mga paglabag sa batas simula taong 1992 hanggang sa taong kasalukuyan.
Sa ngayon, may 417 pang mga nakaditineng bilanggo sa loob ng Sorsogon Provincial Jail.
Ayon kay Jail Warden Rufino Escote, pinagsisikapan nilang mas mapabilis ang paglilitis ng mga bilanggo sa SPJ nang sa gayon ay maiwasan ang pagkakaditine ng matagal ng mga ito sa loob ng bilangguan at maiwasan din ang siksikan sa loob ng mga selda.
Patuloy din ang ginagawang pagpapaunlad ng kakayahan, edukasyon, at talento ng mga bilanggo kahit nasa loob ito ng selda nang sa gayon ay may magamit na puhunan ang mga ito para sa kanilang pagbabagong-buhay sakaling makalabas na sila ng bilangguan. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Number of Comments: 0