Tagalog news: Mga aktibidad sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Sorsogon suportado ng pamahalaan

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 11 (PIA) -- Buo ang naging suporta ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan dito sa Sorsogon sa pagbubukas ng limang araw na aktibidad para sa pagdiriwang ng ika-114 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas simula noong Sabado.

Sa pamamagitan ng isang motorcade ay opisyal na binuksan ang limang araw na pagdiriwang na magtatagal hanggang sa Miyerkules, Hunyo 13. Sinundan ito ng pagsisimula ng isang pagtatanghal ng mga programa at serbisyo ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan at mga katuwang na organisasyon nito na pawang makikita sa mga booth na inilagay sa Capitol Park.

Dinagsa din ng mga aplikanteng nagnanais na maging sundalo ang dalawang araw na Qualifying Exam na ibinigay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantala binuksan naman kahapon sa publiko ang Provincial Gymnasium upang mapanood ang laban ng Pambansang Kamao kung saan umani ng iba’t-ibang mga maiinit na reaksyon ang naging pagkatalo ni Manny Pacquiao.

Simula noong Sabado ng gabi ay dagsa rin ang mga manonood sa Freedom Concert at the Park na magtatagal hanggang sa Martes ng gabi, ika-12 ng Hunyo.

Ngayong araw hanggang bukas ay tatanggap ang Technical Education Skills and development Authority (TESDA) ng pre-qualification of scholars kung saan mahigit sa dalawang libo ang ibinigay na slot sa Sorsogon na nadagdagan pa ayon na rin sa pangako ni TESDA Secretary General Joel Villanueva sa naging pagbisita nya sa lalawigan noong nakaraang Abril.

Sisimulan din ng Civil Service Commission (CSC) ngayong araw hanggang sa Miyerkules ang pagtanggap ng Application for Eligibility under Special Laws kung saan sakop nito ang mga honor graduates sa Kolehiyo, mga opisyales ng barangay, Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers at yaong mga TESDA Skills Proficiency Skills Certificate holder. Bukas na rin ang CSC sa pagtanggap ng mga aplikasyon ng mga nagnanais mag-eksamin para sa Career Professional at Sub-Prefessional Eligibility.

Sa isang banda naging positibo din ang tugon ng mga Sorsoganon sa mga aktibidad na ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) tulad ng paglalagay ng Diskwento Caravan, pagbebenta ng mga natatanging produkto ng Sorsogon, at ang pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa mga nagnanais na magbukas ng kanilang sariling negosyo. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters