Tagalog News: Bayan ng Gubat pinaiigting ang kampanya ng batas laban sa paninigarilyo

By Bennie A. Recebido

Friday 1st of June 2012
GUBAT, Sorsogon, Hunyo 1 (PIA) -- Nagpadala ng sulat ang pamahalaang bayan ng Gubat, na pirmado ni Municipal Health Officer Dr. Alejandro Lelis at Mayor Ronnel Lim sa 42 mga kapitan ng barangay kung saan inaatasan ang mga ito na mahigpit na ipatupad ang “no-smoking law” o batas laban sa paninigarilyo.

Ito ay bilang bahagi ng pakikiisa ng bayan ng Gubat sa pagdiriwang ng “World No Tobacco Day” nitong Huwebes, Mayo 31.

Partikular na target sa nasabing sulat na may petsang Mayo 27, 2012 ang pagpapatupad ng Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 sa mga menor de edad kung saan nakapaloob dito ang pagbabawal sa mga tindahan na magbenta ng sigarilyo sa mga kabataan upang maiwasan ang anumang panganib na maaaring idulot ng paninigarilyo sa murang katawan ng mga menor de edad.

Mas mainam din umano kung pati sa mga nakakatanda ay maiwasan na rin ang pagbebenta ng mga sigarilyo.

Papatawan naman ng kaukulang multa mula limang libong piso hanggang tatlong daang libong piso ang sinumang mapapatunayang lumabag dito.

Matatandaang ang mga kasaping bansa ng World Health Organization (WHO) ang siyang bumuo ng “World No Tobacco Day” noong May 31, 1987 at taunan na itong inoobserbahan sa buong mundo tuwing ika-31 ng Mayo.

Layunin nitong hikayatin yaong mga naninigarilyo na magkaroon ng abstinensya sa loob ng 24 na oras o mas mainam kung tuluyan nang maiwasan ng mga ito ang paninigarilyo upang hindi na manganib pa ang kanilang buhay pati na rin ang buhay ng mga nakakalanghap ng usok nito o ng mga tinatawag nating tagatanggap ng "second-hand smoke” at “third-hand smoke”. (MAL/BAR-PIA Sorsogon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters