By Benilda A. Recebido
Thursday 23rd of February 2012Lungsod ng Sorsogon, Peb 23 (PIA) -- Sa pangunguna ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army na pamumuno ni Col. Felix Castro Jr. kasama ng World Wildlife Fund (WWF) at Parasirang Donsolanon Biryong Aagapay sa Kauswagan (PADABAKA), isang mangrove planting activity ang isinasagawa ngayong araw sa Brgy. Vinisitahan, Donsol, Sorsogon.
Sa pakikipag-ugnayan ni 903rd Infantry Brigade Civil Military Officer Major Wally Querubin sa tanggapan ng PIA Sorsogon, sinabi nitong aabot sa 5,000 mga propagules o mga bakawang binhi ang nakatakdang itanim sa Brgy. Vinisitahan.
Mahigit din umano sa 500 mga kinatawan mula sa iba’t-ibang mga pampublikong ahensiya at non-government organization, local tri-media, at mga residente sa barangay ang makikiisa at lalahok.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na suporta sa ipinatutupad na National Greening Program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III at kontribusyon na rin sa pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Querubin, ang pagtanim ng mga bakawan ay isa sa pinakamabisang paraan upang barahin ang naglalakihang alon, storm surge, tsunami, at matinding ihip ng hangin.
Ang pagtatanim din ng bakawan ay isang paraan ng pagmamantini ng coastal resource management ng lugar at pagpapataas pa ng kamalayan ng publiko at mga residente. (BAR-PIA Sorsogon)