Tagalog News: Magallanes ipagbabawal ang paggamit ng mga sisidlang di-nabubulok

By Benilda A. Recebido

Friday 3rd of February 2012

 LUNGSOD NG SORSOGON, Peb 3 (PIA) -- Matapos mailathala sa mga lokal na pahayagan ang ordinansa bago matapos ang 2011, desido ang pamahalaang bayan ng Magallanes na ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng mga tindahan, groserya, at iba pang mga establisimiento ng mga sisidlang hindi nabubulok.


Ayon kay municipal Councilor Michael S. Villanueva, may-akda ng Municipal Ordinance No 05-2009, ito ang nakikita nilang pinakamabisang tugon sa pagpapatupad ng pamahalaang nasyunal ng Republic Act 7160 kung saan binibigyang kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) na magpatupad ng mga hakbang upang masiayos na mapamahalaan at mamantini ang balanseng ekolohiya sa kanilang mga nasasakupang lugar.

 

Isa umano rito ang pagbawal sa paggamit ng mga lalagyang di-nabubulok; malaking pinsala kasi ang dinudulot ng mga sisidlang plastik - ito ay bumabara sa mga daluyan ng tubig  at sa pagbaha.

 

Nagiging dahilan din umano ito ng pagkakakontamina ng lupa at pagkakamatay ng mga hayop lalo kung napagkakamalan nilang pagkain ang mga maliliit at napunit na mga plastik.

 

Kaugnay nito, ipapatupad na ang pagbabawal sa paggamit ng mga plastik na balot, bag, styrofoam, at iba pang mga di-nabubulok na bagay bilang sisidlan sa bayan ng Magallanes.

 

Sa halip ay hinikayat ng Sangguniang Bayan na maging malikhain ang mga mamamayan at negosyante sa paggamit ng mga pamalit sa sisidlang ito na maaari ding magbigay ng oportunidad pangkabuhayan at pagkakakitaan ng mga ito.

 

Pinapayuhan din ng ordinansa ang mamimili na magdala ng bayong, katsang bag, sako, o iba pang mga kahalintulad o re-usable bag na paglalagyan ng kanilang mga pinamili.

 

Mahaharap din umano sa mga multa ang mahuhuli at mapapatunayang lumabag sa ipapatupad na batas ng lokal na pamahalaan ng Magallanes.

 

Ayon naman sa mga negosyante, mahihirapan sila sa pagsunod dito subalit handa umano silang sundin ito, subalit binigyang-diin ng mga ito na dapat ding makiisa ang mga mamamayan upang mas epektibong matugunan ang pagpapatupad sa hakbang na ito. (MAL/BAR-PIA Sorsogon)

 

 

 

 

Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters