Tagalog news: Bagong proyekto para maibsan ang kahirapan inilunsad sa Albay, Sorsogon
LEGAZPI CITY, Agosto 10 (PIA) -- Sa pangunguna ng Department of Welfare and Development (DSWD) at National Anti-Poverty Commission (NAPC) ay inilunsad kamakailan ang isang bagong proyektong na naglalayong maibsan ang kahirapan at maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga Bikolano, particular na sa Albay at Sorsgon.
Ang proyektong “Expanding the Food and Income Base in Target Barangays in Calamity Prone Municipalities in Bicol” ay pinondohan ng United Nations Development Programme (UNDP) para sa mga residente ng mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad sa probinsiya ng Albay at Sorsogon.
Isa sa mga dahilan ng pagkakapili ng Albay ay ang mataas na bilang ng mahihirap na pamilyang naninirahan malapit sa Mt. Mayon na dumaranas ng kagutuman dala na rin ng kakulangan sa pagkain lalo na sa panahon ng pagsabog ng bulkan. Gayundin sa Sorsogon kung saan ang kahirapan ng mga pamilya ay nadaragdagan dahil sa mga kalamidad gaya ng bagyo.
Upang mapagtibay ang pagpapatupad ng proyekto, ang DSWD at NAPC ay lumagda ng isang memorandum of agreement kasama ang panlalawigang pamahalaan ng Albay at Sorsogon, UNDP, Farmers Community Development Foundation International (FCDF), National Nutrition Council at Bicol University.
Ayon kay Dr. Ponciano Batugal, presidente ng FCDC, “ang proyekto ay nagsusulong ng sapat na seguridad sa pagkain at nutrisyon, karagdagang kita at paglinang sa kakayahan ng mga taong salat sa kita at pagkain.”
Ang proyekto ay kasabay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan ang pangunahing 150 taong makikinabang ay kasalukuyang benepisyaryo ng 4Ps. Sa bilang na ito, ang 50 ay galing sa bawat munisipyo ng Daraga, Albay at Sta Magdalena at Irosin ng Sorsogon. Ang natitirang 50 ay galing sa mga pamilyang hindi benepisyaro ng 4Ps sa Ligao City.
Ilan sa mga pamamarang gagamitin sa proyektong ito ay pagtatayo ng planting material recovery at pagbabahagi ng mekanismo upang mas mapadali ang paghiram at pagbayad ng mga benepisyaryo. Gayundin ang pagtatayo ng food security garden at food association sa bawat barangay.
Upang masiguro ang pagpapatuloy ng proyekto, ang lahat ng benepisyaryo ay sasanayin sa pagpoproseso at pagbebenta ng kanilang mga produkto. Isasagawa rin ang mga pagsasanay sa farmer association, micro-edit management at values formation. (Sally Atento/MAL/SAA-PIA5/Albay)
Number of Comments: 0