Tagalog news: Albay, handa na sa pagbisita ng Reyna ng Espanya

By Marlon A. Loterte

Monday 2nd of July 2012
LEGAZPI CITY, Hulyo 2 (PIA) -- Nakatakdang bumisita si Reyna Sofia ng Espanya sa Hulyo 4 nitong kasalukyang taon sa lalawigan ng Albay bilang bahagi ng kanyang isang linggong biyahe sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ni Albay Governor Joey Salceda, ayon na rin sa naging pahayag ni Spanish Ambassador Jorge Domecq sa kanyang nakaraang pagbisita sa lalawigan ng Albay nitong nakalipas na buwan.

Ang Reyna ay makikipagpulong din kay Pangulo Benigno S. Aquino III sa Malacañang bago simulan ang kanyang dalawang araw na pagbisita sa Albay at Zamboanga.

Ayon kay Salceda ang mga Albayano ay naghahanda na sa pagbisita ng Reyna upang kanilang maipabatid ang masinsinang pasasalamat sa tulong pinansyal na ipinagkaloob ng Espanya sa pagpapaigting ng mga programa ukol sa Millennium Development Goals (MDG), Disaster Risk Reduction (DRR) at Climate Change Adaptation (CCA).

Ilan sa mga magagandang dulot ng suportang ito ay ang kaligtasan ng buhay ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng kalamidad. Kasama na rito ang water-purifying machine na ipinagkaloob sa probinsiya sa pamamagitan ng Agenda Espanola de Cooperation Internacional Para el Desarrollo (AECID), isang Spanish International Cooperation Agency for Development.

Ang nasabing kagamitan ay kasalukuyang dala ng Albay Water and Sanitation Team sa lalawigan ng Catanduanes upang makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga lugar na apektado ng Cholera at Diarrhea. Sa ngayon ay nasa State of Calamity ang nasabing lalawigan bunsod ng nabanggit na sakit.

Kasama sa mga bibisitahin ng Reyna ang Climate Change Academy sa Bicol University, Camalig at Ligao evacuation centers at Josefina Duran Memorial Hospital kung saan kanyang pasisinayaan ang Albay Dialysis Center. Ang mga proyektong ito ay may tulong pinasiyal rin ng AECID. (MAL/SAA-PIA 5, Albay)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters