LUNGSOD NG LEGAZPI, Peb 27 (PIA) -- Ang National Food Authority ay patuloy na itinataguyod ang kampanya para sa Rice Fortification Program kaugnay ng Republic Act 8976 para matugunan ang suliranin sa kalusugan at nutrisyon ng mga mamamayan sa bansa.
Kaakibat din nito na matugunan ang ninanais ng bansa ayon sa pagtupad ng Millennium Development Goals na itinakda ng United Nations na malunasan ang malnutrisyon o suliranin sa kalusugan ng mga mamamayan
Ang rice fortification ay ang programa ng pamahalaan kung saan ang bigas ay hinahaluan ng Iron para mabigyan ng kaukulang kailangang mineral ang katawan na tao na may micronutrient deficiency.
Ang Rice Fortification ay patuloy na itinataguyod ng NFA sa Bicol dahil sa ngayon ay ang ahensiya pa lamang ang sumusunod dito na dapat sana ay sa lahat nang pagawaan ng bigas sa ating bansa at naglalagay na rin ng karagdagang micronutrient sa mga itinitindang bigas.
Ang adbokasiyang ito ay pinupondohan ng UNICEF sa suporta ng mga local na pamahalaan sa rehiyon ng Bicol.
Layon ng R.A 8976 na matugunan ang problema nang ating bansa tungkol sa micronutrient deficiencies na patuloy na lumalala.
Nakapaglunsad na nang school hopping o pagbisita sa mga paaralan ang NFA Bicol sa San Antonio Elementary School sa Tabaco, Humapon Elementary School, at Ibalon Elementary School dito naman sa lungsod at iba’t-ibang paaralan sa rehiyon para masubukan ang fortified rice ng mga estudyante. (MAL/DAF-PIA V/Albay)