By Marlon A. Loterte
Friday 24th of February 2012LUNGSOD NG LEGAZPI, Peb. 24 (PIA) -- Muling pinaigting ng pamahalaan ang kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon na naglalayon sa mas ligtas na paggamit ng motorsiklo.
Isinusulong ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10054 o mas kilala sa Motorcycle Helmet Act of 2009 na nagtatakda sa paggamit ng akmang helmet sa pagmomotorsiklo.
Ito para mapagigting ang seguridad ng publiko lalo na ng mga drayber ng motorsiklo at ang mga angkas nito.
Ang naaakmang helmet ay kailangang aprubado at dumaan sa inspeksiyon ng Department of Trade and Industry DTI kaakibat ang Philippine Standard Mark o Import Commodity Clearance (ICC).
Ang pagbebenta ng motorsiklo ay may kaukulan ding patakaran. Sila ay inoobliga sa pamamahagi ng dekalidad na helmet sa mga mamimili.
Ang sino mang lumabag sa patakarang ito ay pagmumultahin ng di bababa sa P10,000 at hindi tataas ng P20,000, ayon sa Sec. 5 ng RA 10054.
Para naman sa mga lumabag sa pagsuot ng akmang helmet sa mga motorista, sila ay pagmumultahin ng P1,500 sa unang paglabag, P3,000 sa pangalawang paglabag, P5,000 para sa pangatlong paglabag at P10,000 at pagkumpiska ng lisensiya sa mga susunod pang paglabag.
Ito rin ay ipatutupad para sa mga angkas ng motorsiklo na may helmet na walang PS Mark o ICC sticker.
Ang programang ito ay isang gabay at paalala para sa ligtas at masayang pagmomotorsiklo. (MAL/CBC-PIA 5 Albay)