LUNGSOD NG MASBATE, Peb. 21 (PIA) -- Kinilala ang mahusay na pagpapatakbo at sapat na pagkalinga sa mga kabataan at kababaihang biktima na karahasan o yaong nailigtas sa human trafficking sa pamamagitan ng bahay silungan ng lungsod ng Masbate.
Katunayan nito ay ang paggawad ng Department of Social Welfare and Development ng accreditation sa bahay silungan ng Masbate na opisyal na tinatawag na “Pasirungan Center.”
Itinayo ni Masbate City Mayor Socrates Tuason ang Pasirungan Center upang may pansamantalang kanlungan ang mga kabataan at kababaihan na pinagtangkaang ipuslit ng human traffickers o minalas na maabuso ng mga katribu ni Adan.
Ilan sa mga kababaihang ito ay nanggaling pa sa mga lalawigan ng Cebu, Samar Davao, Surigao, Pampanga, at Rizal. Sila ay nasabat sa pantalan ng Masbate habang ipinupuslit patungong mainland Luzon o Visayas.
Ayon sa tagapamahala na si Edna Jazul, iginawad ni Social Welfare Secretary Corazon " Dinky " Soliman ang certificate of accreditation makaraan ang mahaba at masusing pagsubaybay ng DSWD Standards Bureau sa operasyon ng Pasirungan Center.
Nakasaad sa certificate of accreditation na naabot ng Pasirungan Center ang standards sa implementasyon ng residential care program and services for sexually abused children and survivors of human trafficking.
Batay sa patakaran ng DSWD, ang nagawaran ng accreditation ay makakatanggap ng benepisyo katulad ng technical assistance, capability building training at duty free entry ng foreign donations.
Ang Pasirungan ang tanging bahay silungan sa buong lalawigan kaya ayon kay Mayor Tuason mas lalo nitong pagbababubutihan ang pagkalinga sa mga kabataan at kababaehan na kailangang matulungan. (MAL/EAD-PIAMasbate)