LUNGSOD NG LEGAZPI, Peb 21 (PIA) -- Kabuuang P854,436.98 ang pondong inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa unang kwarter ng taon para sa programang pangkabuhayan para sa mga Bikolano.
Ayon kay DOLE V Bicol regional director Nathaniel V. Lacambra, simula pa lamang ito ng maraming programang pangkabuhayang ipatutupad ng tanggapan na tinatayang aabot sa P13 milyong pondo para sa buong taon.
Ang pondong ito ay inilaan sa ilalim ng DOLE Kabuhayan-Starter Kit (DK-SK) o ang programang "Trabaho sa Bag" kung saan nilalaman nito ang mga kagamitan para sa pagsisimula ng sariling negosyo ng mga mapapalad na benepisyaryo nito.
Nakatakdang ganapin ang unang kalatas ng pagbabahagi ng nasabing mga kabuhayan kit sa Pebrero 23 sa bayan ng Polangui, Albay na may pondong P333,025.64, Sorsogon na may P64, 056.10, Naga City na may P213, 602.54, at Daet, Camarines Norte na may P243, 252.67.
Ayon pa kay Lacambra, ang programa ay magandang simula para sa rehiyong Bicol sa kampaya nito para mapaunlad ang pangkabuhayan at oportunidad para sa mga trabahador sa rehiyong ito sa loob ng taong 2012. (MAL-PIA V/Albay)