LUNGSOD NG LEGAZPI, Peb13 (PIA) -- Kasunod nang walang tigil na pagbuhos ng ulan kahapon (Linggo, Peb. 12) bunsod ng Low Pressure Area (LPA), naitala ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ang halos katumbas nang dami na ulan na ibinubuhos sa loob ng kalahating buwan .
Ayon kay Direktor Landrico Dalida Jr. ng Pagasa South Luzon Regional Services Division na nakabase dito sa lungsod, mula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-4:00 ng hapon kahapon ay nakapagtala ang tanggapan ng 134 milimetrong dami ng ulan na dapat na ibinubuhos sa loob 15 araw o kalahating buwan na ibinuhos lamang sa isang araw.
Ang malakas at malawakang mga pag-uulang ito ay nagdulot ng mga pagbabaha at pagguho ng lupa dito sa lungsod at ilang bayan sa Albay.
Kabilang na dito ang hindi madaanang pangunahing lansangan sa Barangay Sugod, Tiwi, Albay matapos ang pagbabaha at pagguho ng lupa
Samantalang umapaw ang ilog sa Barangay Padang na nagdala rin ng lahar; gayundin sa Barangay Bonot at Orosite kung saan umapaw ang tubig mula sa ilog malapit dito.
Bukas at tuloy-tuloy naman ang negosyo at bumibiyahe ang mga sasakyan sa kasagsagan ng mga pag-uulan kahapon sa Albay.
Pinangasiwaan rin ni city administrator Noel Rosal ang pagpapalikas sa ligtas na lugar sa dalawang pamilya sa Barangay Buraguis na nanganganib rin na maapektuhan ng pagguho ng lupa
Sa Barangay San Andres, San Isidro, at Kalayukai, Sto. Domingo, hindi rin madaanan ang kalsada dahil sa baha lalo na patungo sa resettlement site, kung saan agad pinadalhan ng lokal na pamahalaan ng mga kagawad ng pulisya upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Iniulat naman ni Alkalde Cherrie Sampal ng bayan ng Polangui, Albay na nagsagawa na paglilikas ng ilang pamilya hanggang sa ngayon sa Barangay Sugcad Polangui na pansamantala munang nanuluyan sa Sugcad Elementary School matapos masira at anurin ang mga sand bags Purok Jupiter sa nasabi ring Barangay.
Maliban dito ay sinabi pa ng alkalde na humigit kumulang 200 ektarya ng taniman ng palay at iba pang pananim ang apektado ng baha lalo na sa Barangay Balangibang at Agos.
Aabot rin sa 200 katao na nakikiisa sana sa pagdiriwang ng Cagsawa Festival 2012 at na-stranded ang inilikas ng mga otoridad at tauhan mula sa Regional at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council na natrap sa Cagsawa Ruins Park bunsod na rin ng pag-uulan kahapon. (MAL, PIA V/Albay)