Tagalog news: Pagpapaputi ng buri magbibigay ng alternatibong pagkakakitaan sa Calapan

By Luis T. Cueto

Monday 20th of August 2012
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 20 (PIA) -- Sa layuning mas mapaunlad ang kasanayan at kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa modernong pamamaraan nang pagpapaputi at pagtitina ng buri, pinangunahan ni Bilshan F. Servanez, provincial science and technology director ng Romblon ang isang pagsasanay ukol dito sa Barangay Camansihan noong nakaraang linggo.

Ayon kay Servanez, ito ay isang malaking hamon para sa bawat kalahok partikular sa 16 na miyembro ng Aksyon ng Mamamayan para sa Kaunlaran (AKMA) upang lalo pang pagbutihin ang kanilang paghahanapbuhay.

Ayon kay Jesse M. Pine, provincial science and technology director ng Oriental Mindoro, mahalagang madagdagan ang kaalaman ng bawat isa ukol dito upang sa gayon ay magkaroon pa sila ng alternatibong pagkakakitaan.

Aniya, hindi lamang kasanayan ang nais hubugin ng ganitong proyekto kundi hangarin din ng pamahalaan na matulungan ang mga mamamayan na mapaalwan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng inobasyon at makabagong teknolohiya.

Kaisa ang mga kawani ng Provincial Science and Technology Office ng lalawigan at ang City Technology and Livelihood Development Center (TLDC), naging kapaki-pakinabang at kasiya-siya para sa mga kasapi ang naging gawain gamit ang makabagong teknolohiya.

Dahil dito, mas lalong tumibay ang AKMA sa pagtataguyod ng maunlad na pamumuhay para sa kapakinabangan at kapakanan ng bawat isa.

Naniniwala ang bawat kasapi ng samahan na ang sapat na kasanayan at kaalaman ay malaking ambag sa pagpapayabong at paghubog ng pagkatao ng mga taga-Calapan tungo sa mas maunlad na buhay. (CIO/LBR/LTC-PIA4B, OrMin)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters