Tagalog news: Karagdagang benepisyong pangkalusugan planong ipatupad ng Oriental Mindoro
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 16 (PIA) -- Magpapatupad ang pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro ng Comprehensive Health Care Program upang makapagbigay ng karagdagang benepisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.
Kaugnay nito, inatasan ni Gobernador Alfonso V. Umali Jr. si Provincial Health Insurance Program Manager Maritess D. Santiago na pag-aralan ang plano para sa pagkakaloob ng local health card sa ilalim ng nabanggit na programa.
Sabi ni Santiago, nais ng gobernador na ang nasabing health program ay magbibigay ng mga karagdagang benepisyo maliban sa mga benepisyong nakukuha sa PhilHealth.
“Sa taas ng presyo ng mga gamot at sa sobrang mahal ng pagpapa-ospital sa panahon ngayon, napakalaki ng maitutulong ng local health card na ibibigay ng kapitolyo kung matutuloy ang programa. Bukod sa aawasin ng PhilHealth sa bill ng pasyente sa ospital, may kakaltasin pa rin ang local health card at maaaring wala ng ibang bayaring poproblemahin ang pasyente,” paliwanag ni Santiago.
Idinagdag ni Santiago na kung matutuloy ang programa, magiging benepisyaryo nito ang lahat ng provincial sponsored-Philhealth program beneficiaries.
Samantala, ayon pa rin kay Santiago nasa 82,809 ang kabuuang bilang ng PhilHealth beneficiaries ngayong taon na pinondohan ng kapitolyo ng P68 milyon. Sa bilang na ito, 22,000 ang mga bagong enrollees sa programa samantalang 60,809 ang mga datihan nang benepisyaryo at muling binigyan ng health insurance ng kapitolyo.
Ipinaaabot din ni Santiago na bagamat ang karamihan sa mga benepisyaryo ng PhilHealth ng kapitolyo ay wala pang mga hawak na ID cards sa kasalukuyan ay maaari naman nila itong magamit. Makipag-ugnayan lamang sila, aniya, sa kanilang tanggapan sa kapitolyo at kumuha ng mga kailangang sertipikasyon at dokumento upang magamit ang health insurance ng pamahalaan. (PIO/LTC/TBO-PIA4B Oriental Mindoro)
Number of Comments: 0