Tagalog news: 4,000 taga-Calapan, pinagkalooban ng suportang pinansiyal
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 6 (PIA) -- Mahigit sa 4,000 Calapeño ang muling napagkalooban ng suportang pinansiyal sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kamakailan sa pangangasiwa ng City Social Welfare & Development Department (CSWD) sa barangay Lumangbayan.
Ang 4Ps ay bahagi ng human development program ng pamahalaan na nagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mahihirap na pamilyang Pilipino upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa tamang nutrisyon, malusog na pamumuhay at edukasyon para sa mga anak edad 0-14.
Layunin ng programa na maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino.
Gayundin, layunin nito na putulin na ang intergenerational poverty cycle o ang pagpapatuloy ng nakagisnang kahirapan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga indibidwal na pagsumikapang mapabuti ang kanilang buhay at mapaunlad ang sarili.
Matatandaan na noong ika-12 ng Disyembre ng nakaraang taon ay pasinayaan ng pamahalaang lungsod nabanggit na programa na tinatayang may humigit-kumulang sa 6,000 benepisyaryo mula sa 62 barangay sa lungsod ang natutulungan.
Kaugnay nito, sumasailalim ang bawat pamilya sa monitoring na isinasagawa ng CSWD sa pamumuno ni Juvy Bahia upang masiguro na ang halagang kanilang natatanggap ay nagagamit sa tamang pamamaraan at natutustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
Bahagi rin ng pagiging benepisyaryo ng 4Ps ay ang pakikibahagi sa iba’t ibang community-based activities gaya ng pagtulong sa paglilinis sa komunidad, maging sa paaralan o pamayanan.
Ayon kay Aida Agosto, 4Ps beneficiary mula sa Barangay Sapul, malaki ang naitutulong ng ganitong programa sa mga maralitang mamamayan tulad niya. Aniya, hindi lamang pera ang kaniyang ipinagpapasalamat, kundi ang pakikipagkapwa na nakapagpapayabong sa kanilang pagkatao.
Sa pamamagitan nito, ay natututo silang pagsumikapan ang pangarap na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at maging matatag na sandalan ng edukasyon para sa kanilang mga anak.
Sa programa ay umaasa naman ang maraming Calapeño na hindi magiging dahilan ang 4Ps upang tuluyang umasa ang mga ito sa tulong lamang ng pamahalaan sa halip ay magsilbi itong inspirasyon o gabay upang matutunan nila ang kahalagahan ng sariling pagsisikap para sa kanilang kapakanan. (CIO/LTC/TBO-PIA4B-Calapan City)
Number of Comments: 0