Tagalog news: Bagong legislative hall tanda ng pag-unlad ng Oriental Mindoro-DepEd
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 10 (PIA) -- Pinuri ng Regional Management Committee ng Department of Education (DepEd) Region 4B ang pamahalaang panlalawigan sa programa nitong pang-imprastraktura at pagpapaunlad.
Namangha ang delegasyon ng mga education officials ng rehiyon nang bumisita sila sa bagong gusali ng batasang panlalawigan ng Oriental Mindoro.
“Isang pang-world class na gusali na nararapat lamang sa isang umuunlad na lalawigan. I just want to tell you that this is the best venue- world-class -that is the best adjective,” ang naging paglalarawan ni DepEd Regional Director Dr. Sinforosa Quiñores patungkol sa gusali.
Kasama ni Quiñores sa pagbisita sa batasang panlalawigan ang mga division superintendents, assistant division superintendents at mga school officials mula sa Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan at Oriental Mindoro.
Nagpasalamat naman si Quiñores kay Gob. Alfonso Umali Jr. sa mainit na pagtanggap sa kanila. “The members of the DepEd Management Committee (ManCom) extend our thanks to Governor Umali and to Vice Governor Dolor for your very warm welcome and reception,” wika nito.
Ginanap ng grupo ang kanilang ManCom meeting sa Benilda Resort sa Barangay Bancuro, Naujan.
Ang delegasyon ay na tinanggap ni Bise Gobernador Humerlito A. Dolor. Kasama si Bokal Romeo G. Infantado at ang iba pang opisyal, pinagkalooban ang mga bisita ng token at souvenir mula sa Oriental Mindoro.
Ang pagbisita ng mga opisyal ng DepEd at ang patuloy na pagsasagawa ng iba’t ibang mahahalagang pangrehiyon at pang-nasyunal na mga gawain at pagpupulong sa lalawigan ay bilang pagkilala sa Oriental Mindoro bilang sentro ng pamahalaan, komersyo at edukasyon ng Mimaropa. Ang regional government center ay nakatalaga sa lungsod na ito.
Matatagpuan ang bagong legislative building malapit sa provincial capitol compound. Pinondohan ito ng pinagsamang pondo ng gobyernong lokal at nasyunal kabilang na ang P20 milyon mula sa Malakanyang. (LBR/LTC/PIA4-B/OrMin)
Number of Comments: 0