Tagalog news: Rural Improvement Club, tumulong sa pamilyang taga-Calapan
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 1 (PIA) -- Tumulong ang Rural Improvement Club (RIC) Federation of Calapan sa pagpapalawak sa mga proyektong tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan nito.
Sa isang pagtitipon ng mga opisyales nito kamakailan na binubuo ng maraming miyembro ng mga ina mula sa 29 na barangay sa lungsod, tinalakay nila ang matitibay na proyekto sa komunidad tulad ng pagtatanim ng gulay, paggawa ng uling, paggawa ng basket, at pag-aalaga ng kambing.
Samantala, sa pangangasiwa ni Calapan RIC coordinator Letty Maneja, binigyang pansin ng mga opisyales ng samahan ang mga inihaing proposal tungkol sa pagpapatatag ng fund-raising activities na nakakatulong nang malaki upang maisakatuparan ang maraming proyekto.
Makatutulong ang mga gawain para sa malawakang konsultasyon ukol sa epektibo at mabisang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya na nagsisilbing katuwang ng samahan at maging ng tanggapan ng City Agricultural Service Department (CASD) sa pagbibigay nito ng programang aagapay sa bawat pamilya sa pamayanan.
Kaugnay nito, maihahalintulad sa larawan ng isang pamilya ang istruktura ng tatlong institusyong pinagtitibay ng CASD na kinabibilangan ng RIC, 4H (Head, Heart, Hands, Health) Club na nakasentro sa pagtataguyod ng programa para sa mga kabataan sa lungsod at ng Farmers’ Association na patuloy na pinangangalagaan at sinusuportahan ng naturang tanggapan. (CIO/LTC/TBO-PIA4B)
Number of Comments: 0