Tagalog news: Programang "Palay Check" muling pinaigting ng pamahalaang lungsod
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hulyo 19 (PIA) -- Upang lalong mapagbuti at maging masagana ang agrikultura at pangangalakal ng mga produkto sa siyudad, patuloy na itinataguyod ngayon ng pamahalaang lungsod ng Calapan ang programang “Palay Check” sa Barangay Sta. Cruz sa pamamagitan ng City Agricultural Services Department (CASD).
Layunin ng programang ito na higit na mapabuti ang mga pamamaraan at paggamit ng teknolohiya ukol sa modernong sistema ng mas maayos na pamamahala at pangangalaga ng mga panamin gayundin, upang maibahagi sa mga benipisiyaryo ang sapat na kaalaman sa pagsasaka na higit na makapagpapaunlad ng buhay-sakahan sa kanilang pamayanan.
Sa programang ito na isinagawa kamakailan, ibinahagi ni April Mangalong ng CASD ang matagumpay na paglalakbay ng kanilang proyekto dahil sa suporta ng pamahalaan at sa aktibong partisipasiyon ng mga miyembro ng iba’t ibang samahan ng magsasaka mula sa mga agrikultural na barangay sa lungsod.
Ayon kay Mangalong, ang adhikaing mapatatag at mapayabong ang mga estratehiya sa pagsasaka ang nais nilang tutukan upang sa gayon ay lalong magabayan ang mga magsasaka tungo sa masaganang buhay. (CIO/LBT/LTC)
Number of Comments: 0