Tagalog news: Pagbabantay sa mga naglalabas ng uling sa Mindoro, pinaiigting

By Luis T. Cueto

Monday 9th of July 2012
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Hulyo 9 (PIA) -- Pinaigting ng pamahalaang panlalawigan ng Mindoro ang pagbabantay sa mga naglalabas ng uling mula sa lalawigan.

Ipinasa ang Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 015-2011 na nagbabawal sa pagluluwas ng uling mula sa lalawigan gayundin ang Resolution No. 1518-2012 na sumusuporta sa nabanggit na ordinansa.

Dito itatalaga na rin ang mga empleyado na halinhinang magbabantay sa Calapan Pier upang manghuli ng mga sasakyang may kargang uling na ilalabas ng isla ng Mindoro.

Ayon kay provincial administrator Angel Saulong, ang gagawin niyang pagtatalaga ng mga empleyado ng kapitolyo sa Calapan Pier ay pagpapadama sa mamamayan na kailangang seryosohin nilang sundin ang ipinasang ordinansa hinggil dito.

Sinabi naman ni Gobernador Alfonso V. Umali Jr., layunin ng naturang gawain na maalis ang pagkakaroon ng sabwatan ng mga awtoridad at mahinto ang isyung diumano’y may “nalalagyan” sa pagluluwas ng uling.

Iminungkahi rin niyang mabigyan ng insentibo ang makakahuling empleyado sa sinumang magluluwas ng uling palabas ng lalawigan.

Nasa plano rin ang paglalagay ng tanggapan ng Provincial Treasurer’s Office, Provincial Tourism Office, at Task Force on Anti-Charcoal Transporting sa Calapan Pier malapit sa quarantine office. (PIO/LBR/LTC-PIA4B)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters