Tagalog news: Goat raising seminar ginanap sa Calapan
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Hulyo 5 (PIA) -- Nagsagawa ang City Technology and Livelihood Development Center (TLDC) ng isang goat raising seminar sa Barangay Suqui na dinaluhan ng mahigit sa 20 miyembro ng Rural Improvement Club (RIC).
Katuwang ng TLDC ang Calapan City Veterinary Services Department (CVSD) at City Agricultural Services Department (CASD) sa pagsasagawa ng seminar.
Ayon kay Dr. Feby Dar Manglicmot, city veterinarian, layunin ng seminar na makatulong sa mga nagnanais guminhawa ang pamumuhay sa pamamagitan ng pag-aalaga ng kambing.
Tumuon ang unang bahagi ng gawain sa wastong pamamaraan ng pangangalaga at pagpapastol ng mga alagang kambing.
Tinalakay ni Florinda O. Li na siyang resource speaker mula sa provincial veterinary office ang mga dapat tandaan sa pagpupurga ng mga kambing gayundin ang wastong paggamot sa kanila tuwing may sakit ang mga ito.
Ayon kay TLDC Manager Ronald Cantos, ito ang ikalawang beses na nagsagawa ang kanilang tanggapan ng ganitong seminar sa pakikipag-ugnayan pa rin sa CVD at CASD.
Dagdag pa ni Cantos, bahagi nang nabanggit na proyekto ang pagkakaloob ng kambing sa bawat kalahok upang makatulong sa pagsisimula ng hanapbuhay. (LBR/CIO/LTC,PIA4B)
Number of Comments: 0