Tagalog news: Balidasyon ng 4Ps, sinimulan na
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Hulyo 3 (PIA) -- Nagpulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Provincial Operations Office tungkol sa “massive updating” o pagsasaayos ng talaan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang pagpupulong ay nilahukan ng mga boluntaryo mula sa civil society organizations ng iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Layunin nitong i-update ang compliance rate ng programa sa Oriental Mindoro na sa kasalukuyan ay mayroong 50,731 pamilyang Mindoreñong nakikinabang dito.
Nanawagan si gobernador Alfonso V. Umali Jr. sa lahat ng ahensyang nagpapatupad ng 4Ps na i-update ang talaan ng mga benepisyaryo nito upang ang tunay na makikinabang dito ay yoon lamang na mga pinakamahirap, at maiwasan na maipagkaloob ito sa mga hindi na karapat-dapat.
Ayon kay 4Ps provincial link Maridel T. Rodriguez, tuluy-tuloy ang isinasagawa nilang updating upang maalis ang tinatawag nilang “inclusion errors” o iyong mga napasama sa programa na hindi kwalipikado.
Ang mga kwalipikadong pamilya ay benepisyaryo ng mula P500 hanggang P1,400 kada buwan bilang tulong para sa pangangailangang pangkalusugan at pangedukasyon ng mga benepisaryo.
Base sa talaan ng DSWD, nito lamang Enero hanggang Pebrero ay nakapaglaan na ang DSWD ng P87.88 milyon para sa implementasyon ng programa sa lalawigan. Kung susumahin, aabot sa mahigit na P500 milyon ang pondong nailaan ng 4Ps o conditional cash transfer sa Oriental Mindoro sa kasalukuyan. (PIO/TBO/LTC-PIA4B)
Number of Comments: 0