Tagalog news: 8th Reg’l PESO Congress, isinagawa
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Hunyo 2 (PIA) –- Idinaos sa lalawigan ang 8th Regional Public Employment Service Office (PESO) Congress noong Mayo 9-11 na itinaguyod ng pamahalaang lungsod ng Calapan, pamahalaang panlalawigan, Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga ahensya.
Sa temang “Bridging the islands for more employment,” ang naturang congress ay magkakasamang isinagawa at nilahukan nang mahigit sa 50 PESO managers, DOLE field officers mula sa mga islang lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan sa pangunguna nina MIMAROPA Regional PESO President Marvin L. Panahon ng lungsod ng Calapan at PESO Managers Association of Oriental Mindoro President Manny Regencia ng bayan ng Bansud.
Layunin ng PESO ang makaahon mula sa kahirapan sa pamamagitan ng pagtulong at pagkakaloob ng mga kinakailangang trabaho at iba pang mga tulong pangkabuhayan para sa mga mamamayan.
Sa mensahe ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. sa opening ceremonies, hinikayat niya ang lahat ng mga kalahok na magkaisa para sa sama-samang pagtataguyod ng kaunlaran sa MIMAROPA at ng buong bansa, at gawin ang mga nararapat maisakatuparan para sa matuwid na landas na isinusulong ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
“Importante ang araw na ito para sa Oriental Mindoro. Madalas dito gawin ang iba’t ibang regional at national activities. Katatapos nga lang ng Miss Earth Philippines, at magkasunod na buwan din tayong binisita ni Pangulong Aquino dito sa Oriental Mindoro. Unit-unti nang nakikilala ang Oriental Mindoro sa bansa at suwerte ngayon ang ating lalawigan dahil bumubuhos talaga ang suporta sa atin ng pamahalaang nasyunal. Kaya gusto nating maisakatuparan ang lahat ng puwede nating gawin ngayon, samantalahin natin ang pagkakataon, para magawa ang mga bagay na dapat nating maibigay sa ating lalawigan,” pahayag ni Umali.
Ayon naman kay DOLE Regional Director Zenaida Angara, ang PESO MIMAROPA ay isa sa may pinaka-solidong grupo sa bansa sa kasalukuyan.
“Mahalaga na ma-institutionalize natin ang ating mga PESO, para higit pa nating mapatatag at mapalakas ang ating pagseserbisyo sa ating mga kababayan, sa pagkakaloob natin ng mga trabaho, livelihood trainings at iba pang mga tulong at suportang kinakailangan sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng ating mga mamamayan,” paliwanag ni Angara.
Samantala, tinalakay sa programa ang iba’t ibang usapin, na kinabibilangan ng Community Entrepreneurship, Green Productivity/Service Quality for Tourism Change, Leadership Influence, OWWA Plans, Programs and Services, at PESO Institutionalization Process. Nagkaroon din ng PESO Awards, Cultural Presentation at Governor’s Night at iba pang mga kaugnay na gawaing naglalayong maitaguyod ang turismo at komersyo ng lalawigan ng Oriental Mindoro. (PIO/Louie T. Cueto/LBR/PIA4B/CALAPAN)
Number of Comments: 0