Tagalog news: Programa ng Kapitolyo ng OrMin, naghandog ng serbisyo sa bayan ng Gloria

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, June 1 (PIA) -- Muli na namang nag-ikot ang Kapitolyo Para Sa Mamamayan (KPSM) sa mga barangay, partikular sa bayan ng Gloria upang maghandog ng iba’t ibang serbisyo sa mamamayan noong ika-11 ng Mayo.

Humigit-kumulang sa 1,000 mamamayan ang nakinabang sa libreng gamutan na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng KPSM-Serbisyo Ora Mismo na isinagawa sa Agsalin Elementary School.

Benepisyaryo ng programa ang limang barangay ng bayan ng Gloria kabilang ang Agsalin, Banus, Sta. Maria, Maragooc, at Manguyang.

Ang naturang gawain na nasa ilalim ng pangunahing programa kontra-kahirapan ng administrasyon ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ay pinamamahalaan ngayon ni Executive Assistant Dr. Marpheo Marasigan.

Bukod sa libreng gamutan, kasama ang ilang mga ahensya ng gobyerno, pribadong samahan, at dibisyon sa kapitolyo na nagsagawa rin ng libreng pagsasaayos ng cellphone, supplemental feeding, pagkakaloob ng materyales pang-isport ng Community Assistance Division, pamamahagi ng butong pananim ng Provincial Agriculture Office (PAgO) at punong pananim ng Environment and Natural Resources Office (ENRO), libreng bakuna ng mga alagang hayop ng Provincial Veterinary Office (PROVET), at iba pa.

Samantala, nagsagawa naman ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng photo exhibit ng iba’t-ibang uri ng ipinagbabawal na gamot upang malaman ng mga mamamayan ang masamang epekto nito sa kalusugan ng tao.

Katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa gawaing ito ang Oriental Mindoro Medical Society, nurses at pharmacist ng Provincial Hospital at Municipal Health Office ng Gloria, gayundin ang Philippine Army at Philippine National Police (PNP). (LBR/PIO/LTC-PIA4-B Calapan City)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters