Tagalog news: Pandayan-Best program, muling binuksan sa Mindoro

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Mayo 24 (PIA) -- Inaanyayahan ng pamahalaang panlalawigan ang mga na kabataang Mindoreño na may edad 21 hanggang 35 sa training program ng Pangkabuhayang Dalubhasaan ng Bayan-Bridging Employment through Skills Training o PANDAYAN-BEST na nasa ikalawang taon na ngayon ng implementasyon para isang panibagong oportunidad na makapag-aral at kaagad na makapagtrabaho.

Ang PANDAYAN-Best ay inilunsad ng pamahalaang panlalawigan noong nakaraang taon sa pakikipagtulungan sa Malampaya Foundation, Inc. Isa itong skills training program na nasa ilalim ng Integrated Scholarship Program ng kapitolyo

Isinulong ito ng pamunuan ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. upang bigyang-kakayahan at kasanayan ang mga kabataang Mindoreño upang maihanda sila sa mga napapanahon ngayong trabaho.

Matatandaan na sa paglunsad ng programa noong nakaraang taon, 29 na scholars ang nagsanay sa Keppel Shipyard. Bukod sa pagsasanay, may libre ring uniporme at allowance ang mga nasabing scholars mula sa mahigit na P1 milyong pondong inilaan ng pamahalaang panlalawigan at ng Malampaya.

Ang mga interesadong lumahok ay dapat nakapagtapos ng high school at kailangang pumasa sa eksaminasyon na nakatakda sa Mayo 28 sa Provincial Capitol Square. Ang mga nakapasa sa nabanggit na eksaminasyon ay kailangang handa ring sumailalim sa anim na buwang pagsasanay para sa shielded metal arc welding sa Keppel Shipyard sa Batangas City.

Para sa mga interesado at at may iba pang katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO) na matatagpuan sa loob ng kapitolyo na pinamumunuan ni Antonio Magnaye, Jr.

Samantala, malugod ding ibinalita ni Magnaye na ang mga nakapagtapos na noong nakaraang batch sa skills training ay kinuha na rin ng Keppel at sa kasalukuyan ay naghihintay na lamang kung saang lugar ide-deploy ang mga ito para sa kanilang trabaho. (LBR/PIO/LTC-PIA4B Calapan)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters