Tagalog News: Pagsasanay ng mga nurse at midwife, isinagawa
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Mayo 15 (PIA) -- Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na pagsasanay ng 114 nurses at 25 midwives na ibinigay ng Center for Health Development (CHD)-Mimaropa kamakailan sa Benedictine Nuns, barangay Salong, lungsod ng Calapan.
Layunin ng pagsasanay na itaas ang antas ng kaalaman ng mga rehistradong nurse na wala pang trabaho hinggil sa pagbibigay ng dekalidad, maayos at angkop na serbisyo sa komunidad at ang oportunidad na makapagsanay sa pagtratrabaho nang may buwanang sahod.
Ang mga midwife ang naging benepisyaryo ng Rural Health Midwives Placement Program (RHMPP) samantalang ang mga nurse ay benepisyaryo sa ilalim ng Registered Nurses for Health Enhancement and Local Services (RN-HEALS) na itatalaga sa bawat munisipyo sa lalawigan.
Samantala, pasasalamat ang naging mensahe ni congressman Reynaldo V. Umali ng ikalawang distrito sa magagawa at maibabahagi ng nurses at midwives sa lalawigan at sa pagkakaroon ng mga programang makakatulong na magkatrabaho ang mga ito.
Inaasahan naman ang pakikiisa ng bawat munisipyo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tig-P2,000 buwanang allowance na matatanggap ng mga midwives at nurses. Maliban pa rito magkakaroon ng P8,000 buwanang sweldo ang mga ito na popondohan naman ng CHD.
Ang programa ay pinangunahan ni Dra. Elsa Alberto, team leader ng CHD-Oriental Mindoro katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, at iba pang mga konsernadong indibidwal. (LBR/PIO/LTC-PIA4B)
Number of Comments: 0