Tagalog news: Iba’t-ibang aktibidad isasagawa sa Palawan para sa Buwan ng Nutrisyon
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Hulyo 3 (PIA) -- Iba’t ibang mga aktibidad ang nakalinya sa lalawigan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon.
Naghanda ng mga aktibidades ang Provincial Nutrition Office (PNO) para sa mga empleyado ng kapitolyo na magsisimula sa ika-16 ng Hulyo. Kinabibilangan ito ng Nutri-Bingo, slogan-making contest, Bantay Kalusugan nutrition forum, at Mr. and Ms. Nutrikid 2012.
Ang selebrasyon, na may temang, “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw itong ihain,” ay naglalayong muling mapaalalahanan ang mga empleyado tungkol sa tamang nutrisyon para sa malusog na pangangatawan upang maging produktibo sa kanilang mga gawain, ayon kay Provincial Nutrition Action Officer Rachel Paladan.
Magsasagawa rin ng Infant and Young Child Feeding (IYCF) Training of Trainers ang Provincial Nutrition Office para sa mga Barangay Environment Agriculture and Nutrition Scholars (BEANS) at barangay health workers (BHW) ng mga bayan ng Cuyo at Magsaysay na gaganapin sa munisipyo ng Cuyo sa mula ika-siyam hanggang ika-13 ng Hulyo.
Dagdag pa in Paladan, layon ng pagsasanay na maituro sa mga partisipante ang kahalagahan ng “exclusive breastfeeding” o pagpapasuso sa mga sanggol na may edad na hindi tataas sa anim na buwan. Itinuturo rin dito ang tamang istilo ng pagpapasuso at ang “complementary feeding” para naman sa mga sanggol na may edad anim na buwan pataas. (TBO/OCJ-PIA4B, Palawan/PIO)
Number of Comments: 0