Tagalog news: Malnutrisyon sa lalawigan ng Palawan bumaba ng 12.54%
LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 14 (PIA) -- Iniulat sa isinagawang Nutrition Implementers’ Forum kahapon na sa taong 2012 bumaba ng 12.54% ang Malnutrition Prevalence Rate (MPR) sa lalawigan ng Palawan mula sa dating 14% nang nakaraang taon.
Ayon kay Dr. Louie Ocampo, officer-in-charge ng Provincial Health Office (PHO), mula sa 110,556 na mga batang natimbang na nag-eedad 0 hanggang 5 taong gulang, 96,324 na dito ang nasa normal weight; 10,324 ang underweight; 3,009 ang napabilang sa severely underweight; at 361 ang overweight.
Ang mga bayan ng Cuyo, Agutaya, Cagayancillo, San Vicente, at Coron ang napabilang sa limang munisipyo na good performers o may mababang MPR. Samantala, ang limang munisipyo naman na napabilang sa may mataas na MPR ay ang mga bayan ng Busuanga, Linapacan, Rizal, Roxas, at Balabac.
Batay ito sa resulta ng Operation Timbang (OPT) sa taong 2012.
Kasunod nito hinikayat ni Dr. Ocampo ang mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars (BEANS) at iba pang nagpapatupad ng programang pangnutrisyon na mag-double time o mas bilisan upang makamit ng lalawigan ang hinahangad ng Millennium Development Goals (MDG), kung saan ang isa dito ay nakatuon sa pagpuksa ng sobrang kahirapan at pagkagutom ng mga Pilipino bago sumapit ang taong 2015. Aniya, dito papasok ang programang pangnutrisyon na ipinapatupad lalo na sa mga kanayunan.
Humigit 650 mga BEANS at mga opisyales ng mga barangay mula sa 21 munisipyo sa buong lalawigan ang dumalo sa Nutrition Implementers’ Forum na ginaganap sa Skylight Convention, lungsod ng Puerto Princesa kahapon na may temang “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw itong ihain.” (TBO/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)
Number of Comments: 0