Tagalog news: 19th annual provincial day dare worker’s forum, isinasagawa sa Palawan

By Orlan C. Jabagat

Thursday 14th of June 2012
LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 14 (PIA) -- Kasalukuyan isinasagawa ang dalawang araw na 19th Annual Day Care Worker’s Forum na nagbukas ngayong Hunyo 14 sa Skylight Convention Center dito sa lungsod.

Ang pagtitipon ay may temang, Day Care Worker: Kaagapay ng Pamilya at Pamahalaan sa Pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program. Tinatayang 811 na mga day care worker mula sa iba’t ibang barangay at munisipyo ng lalawigan ang dumalo dito.

Layunin ng forum na lalo pang mapahusay ang pagpapatupad ng programang ECCD na nakabatay sa Republic Act 8980 o ang ECCD Act: An Act Promulgating a Comprehensive Policy and National System for Early Childhood Care and Development. Kaugnay nito ay isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang mithiing, “Batang Palaweno Angat kahit Kanino.”

Nagsimula ang forum sa pambungad na pagbati mula kay Provincial Social Welfare and Development Officer Apolonia David at sinundan ito ng mga mensahe mula kay Bise-Gobernador Clara “Fems” Reyes at Gob. Baham Mitra.

Kasama sa programa ang pagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng mga cash incentives at sertipiko sa mga Day Care Workers na nakapagsilbi na ng 10 taon o mahigit pa at ang namahagi ay sina Gob. Baham kasama si Vice Governor Fems Reyes katuwang si David at ang Presidente ng Palawan Day Care Workers Federation, Inc (PDCWFI), na si Rosalina C. Rosaceña.

Sa ikalawang araw bukas ay nakahanay ang pagtatalakay ng iba’t ibang paksa kaugnay ng mga ibinibigay na serbisyo ng day care worker. Ang mga naanyayahang maging tagapagsalita sa forum ay sina Rebecca R. Federico Social Welfare Officer IV at Provincial Day Care Coordinator, Sofia Ann S. Santos ng DSWD- IV B MIMAROPA, Willy B. Ortega ng Provincial ENRO; DILG Provincial Director Mario C. Daquer, Rachel T. Paladan, Provincial Nutrition Officer; at si Rosaceña, pangulo ng Provincial Day Care Workers Federation Inc.

Napag-alaman kay Federico na mayroong 910 accreditated Day Care Centers sa Palawan at sa taong 2011-2012 umabot na sa 27,800 na mga bata na nageedad 3-4 gulang ang naserbisyuhan ng programang ito. Nakapamahagi na rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga Learning at Reference Materials sa 22 Day Care Resource Centers sa iba’t ibang munisipyo at sa 27 Standard Day Care Resource Centers.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng Pamahalaang Panlalawigan sa AGAPP (Aklat, Gabay, Aruga Tungo sa Pag-angat) Foundation ay nakapagpatayo rin ng anim na silid paaralan na tinatawag na "Silid Pangarap” sa anim na pampublikong elementarya na matatagpuan sa Bgy. Central at Plaridel sa Aborlan, sa Bgy. Panacan, Narra, sa Bgy. Tagumpay at Turda ng Coron at Bgy. Cheey sa Busuanga.

Samantala, inaasahan din ang paglahok ng mga day care workers sa Grand Baragatan Parade sa Hunyo 16. (LBR/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters