Tagalog news: 13 munisipyo sa Palawan, rabies-free na
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Hunyo 7 (PIA) -- Inirerekomenda ng Tanggapan ng Provincial Veterinarian (PROVET) sa Bureau of Animal Industry (BAI) na ideklarang rabies-free ang 13 munisipyo sa lalawigan.
Ito ang ipinahayag ni Dr. Darius Pe Mangcucang kamakailan.
Inaasahang Agosto 2012 idedeklara ng BAI na rabies-free ang mga munisipyo ng Busuanga, Culion, Coron, Linapacan, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cagayancillo, Araceli, Dumaran, Balabac, El Nido, at Kalayaan kung ang mga ito ay makakatugon sa mga pamantayan na itinakda ng naturang tanggapan.
Ayon pa kay Dr. Mangcucang, bilang isang prime tourist destination, malaki ang maitutulong kung maideklarang rabies-free ang Palawan sapagkat mawawala ang pangamba ng mga turista na pumupunta sa lalawigan.
Batay sa kanilang adhikain na masugpo ang rabis sa Palawan bago sumapit ang taong 2015, sinimulan ng Provet ang taon sa pagbabakuna ng mga aso sa iba’t- ibang munisipyo. Mula Enero hanggang Mayo ay umabot sa 1,117 ang mga aso na nabakunahan ng kanilang tanggapan sa bayan ng Culion, Araceli, Dumaran, El Nido, at Linapacan.
Nakapagsanay din ang PROVET ng mga bagong veterinary aides mula sa tatlong veterinary aide training na kanilang pinangasiwaan sa bayan ng Quezon, Culion, at Roxas. Ang bagong 71 veterinary aides ang kanilang makakatuwang sa pagbabakuna sa mga aso para sa eradikasyon ng rabies.
Magiging kaagapay din sila sa pagsasakatuparan ng mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan na may kaugnayan sa pag-aalaga at pagtataguyod ng industriya ng paghahayupan sa mga munisipyo at lalawigan.
Patuloy din ang PROVET sa paggabay sa mga Palaweñong ikinabubuhay ang paghahayupan. Nagsagawa din ng livelihood training ang kanilang tanggapan sa Puerto Princesa at bayan ng Culion kung saan tinatayang 180 ang naging partisipante. (PIO/OCJ/LBR-PIA 4B, Palawan)
Number of Comments: 0