Tagalog news: Baragatan sa Palawan Festival 2012, nagsagawa ng soft opening
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Hunyo 01 (PIA) -- Isinagawa kaninang umaga ang soft opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2012 sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na pinangunahan ni Gob. Abraham Kahlil B. Mitra sa palibot ng Kapitolyo ng lalawigan.
Kasabay ng soft opening ang pagbubukas ng Private Trade Fair kung saan sari-saring paninda o merchandise ang makikita at mabibili dito.
Ang Baragatan sa Palawan Festival ay taunang aktibidad ng pamahalaang panlalawigan kaugnay ng pagdiriwang ng Gobyerno Sibil ng lalawigan. Magtatapos ang nasabing aktibidad sa Hunyo 23 na siya ring ika-110 taong anibersaryo ng Palawan.
Ang Saraotan sa Dalan o Street Dancing ang isa sa mga aktibidad na pinaka-inaabangan tuwing Baragatan at matutunghayan ito sa huling araw ng selebrasyon. Ito ay pinangangasiwaan ng Culture and Arts Office sa pamumuno ni Charina Cabading hepe ng nasabing opisina. Ang tema ng kompetisyon ay “Isarang Tyempo, Isarang Melodiya, Isarang Ig Mabaskeg nga Kulturang Pilipino”.
Bukas sa lahat ng mga barangay, munisipyo, mga paaralan at unibersidad at sa lahat ng mga interesadong mga probinsiya na sakop ng League of Governors ang Saraotan sa Dalan.
Maliban sa Saraotan sa Dalan, ang Float Parade ay isa ring kaabang-abang na aktibidad sa Baragatan. Ito naman ay bukas sa lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Palawan, non-government organization, people’s organization at mga business entities at pinamumunuan ito ng Provincial Health Office (PHO).
Base sa alituntunin ng patimpalak, ang ilalahok na float ay kailangang nagpapakita ng mga pangunahin o natatanging produkto nito o resources. Hinihikayat ang bawat kalahok na maipakita sa kanilang float ang mga ginagawang programa tungo sa pangangalaga sa kalikasan at pagkontrol ng negatibong epekto ng climate change. Pinahihintulutan din ang mga kalahok na gumamit ng mga indigenous at biodegradable materials subalit ipinagbabawal ang paggamit ng mga banned species.
Naglalakihang papremyo naman ang matatanggap ng mga magwawagi sa nasabing mga kumpetisyon. Sa Hunyo 16 naman ang Grand Opening ng Baragatan sa Palawan Festival. (LBR/OCJ/PIA4B-Palawan)
Number of Comments: 0