Tagalog news: Mga kooperatiba sa Palawan patuloy na tinutulungan ng PCDO
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Mayo 25 (PIA) -- Patuloy na tinutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng tanggapan ng Provincial Cooperative & Development Office (PCDO) ang mga kooperatiba sa lalawigan.
Ayon sa ulat ni PCDO Officer Victoria Ladica, mayroon nang 88 kooperatiba ang nakinabang mula sa Livelihood Credit Assistance Program o LICAP mula noong 1999 hanggang sa kasalukuyan.
Samantala meron namang 32 kooperatiba ang nabenepisyuhan ng programang Upgrading Support for the Advancement and Development Cooperative Entrepreneurs (USAD) at siyam naman sa Sustained Livelihood Opportunities and Growth of Cooperatives (SULONG).
Ayon pa kay Ladica mula taong 2011 hanggang ngayong May 2012 ay nakapagpalabas na ng P300,000 bilang tulong puhunan sa mga kooperatiba sa ilalim ng programang SULONG. Habang tumanggap naman ng P100,000 ang bawat kooperatiba sa ilalim ng USAD at may kabuuang P120,000 naman ang naitulong bilang karagdagang kapital sa dalawang kooperatiba sa pamamagitan ng LICAP.
Ang mga tulong puhunan na natanggap ng mga benepisyaryong kooperatiba ay kailangang bayaran sa loob ng isang taon at binibigyan sila ng apat na buwang grace period.
Sa kasalukuyan si Gob. Abraham Kahlil B. Mitra ang tumatayong chairman ng Provincial Cooperative Development Council.
Maliban sa tulong pinansiyal nagsagawa rin ng mga pre-membership education seminar at cooperative refresher course trainings upang gabayan ang mga kooperatibang nagsisimula pa lamang. Meron ding pagsasanay sa pagiging mahusay na miyembro ng kooperatiba tulad ng simplified bookkeeping & accounting for non-accountants, pagsasanay sa pagiging leader, cooperative management, at iba pa upang lalong mapagtibay at mapalakas ang mga kooperatiba at mahasa ang kanilang kapasidad sa mabisa at organisadong pamamahala.
Gayundin, nakapamahagi rin sila ng cooperative newsletter na tinatawag na KOOPERATIBALITA upang makapagbigay ng mga impormasyon sa kasalukuyang mga pagbabago at iba pang kaganapan kaugnay ng kilusang kooperatiba sa Palawan.
Ayon pa kay Ladica inaalalayan din nila sa paghahanda at pagsusumite ng mga dokumento para sa rehistrasyon at paggawa ng cooperative annual report ang mga kooperatiba na humiram ng puhunan sa naturang tanggapan. (LBR/PIO/OCJ-PIA4B Palawan)
Number of Comments: 0