P1.38-B mga proyektong imprastraktura gagawin sa Palawan ngayong taon
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Hunyo 1 (PIA) -- Ipatutupad ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) sa Palawan ang P1.38 bilyon na imprastraktura sa taong ito sa hangarin na pasiglahin ang kaunlaran sa kanayunan at suportahan ang lumalagong industriya ng turismo.
Sa website ng DPWH, nakalista ang 53 mga lansangan at tulay na ipatutupad sa 2012 ng tatlong District Engineering Office (DEO) sa lalawigan at ng DPWH Region IV-B. Kabilang dito ang konstruksyon ng 14 na tulay at ang pagsasaayos na mga kalsadang nasyonal.
Ayon kay Engr. Art Turillo, Public Information Officer ng DPWH-3rd DEO, ang naturang mga infra projects ay bahagi ng regular na infra program ng DPWH bilang suporta sa layunin ni Pangulong Aquino na maging 100 porsiyentong sementado ang lahat ng national roads.
Sinabi din ni Turillo na ang maraming pampublikong proyekto ay upang mapasigla at mapabilis ang takbo ng kaunlaran lalo na sa mga tourist destination sa Puerto Princesa City, El Nido, at Coron.
Pinakamalaking proyekto ay aabot sa P892 milyon at ito'y mga road projects sa haba ng Puerto Princesa South Road, Palawan Circumferential Road at Coron-Busuanga Road.
Susunod ang dami ng proyekto na matatagpuan sa 2nd DEO na may kabuuang halaga na P256.5 milyon.
May halagang P117.8 milyon ang mga infra projects sa 3rd DEO na sumasakop sa buong Puerto Princesa City. Kabilang sa proyekto ang anim na tulay at ang pagsesemento sa Irawan-Tagburos Road.
Mayroong P116.3 milyon ang proyektong ipatutupad sa 1st DEO na sumasakop sa buong northern Palawan.
Sinabi ni Turillo na ang lahat ng mga proyekto ng DPWH ay tumutugon sa pamantayan sa ngayon ng kasalukuyang administrasyon na “right project, right cost, right quality,” at kung matapos ay magkakaloob nang mas ligtas, mas mabilis, at maginhawang pagbibiyahe. (LBR/VSM-PIA 4B, Palawan)
Number of Comments: 0