Tagalog news: Dulog ng NGCP sa media: makipagtulungan sa mga problema nila

By Ruel M. Orinday

Friday 8th of June 2012
TAYABAS CITY, Quezon, Hunyo 8 (PIA) -- Hinikayat ng mga opisyal ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga lokal na mamamahayag sa lalawigan ng Quezon na patuloy na makipagtulungan sa mga programa ng NGCP.

Sa ginanap na media orientation at press conference sa Nawawalang Paraiso Hotel and Restaurant sa Tayabas City noong Hunyo 6, nagpasalamat si Atty. Cynthia P. Alabanza, adviser for external affairs at official spokesperson ng NGCP sa 35 mamamahayag ng lalawigan ng Quezon na dumalo sa press conference.

Ani Alabanza, malaki ang naitutulong ng mga mamahayag sa pagpapalaganap ng mga impormasyon ukol sa programa ng NGCP.

Ipinaliwanag din ni Atty. Alabanza ang mahalagang papel na ginagampanan ng NGCP sa industriya ng enerhiya gayundin ang ilang mga dahilan kung bakit nawawalan ng daloy ng kuryente sa ilang mga lugar sa Quezon.

Kabilang din sa tinalakay sa press conference ang mga programa o kampanya ng NGCP laban sa mga taong nagnanakaw ng mga bahagi ng tore at mga transmission line ng NGCP na nagiging dahilan ng pagkawala minsan ng daloy ng kuryente sa ilang mga lugar.

Tinalakay din dito ang ilang mga paraan upang maging ligtas sa anumang aksidente ang mga tao partikular yaong naninirahan malapit sa tore at transmission line kagaya ng hindi pagpapalipad ng mga saranggola at hindi pagtatayo ng mga bahay na malapit sa tore at transmission line ng NGCP.

Bago isagawa ang press conference, naunang idaos ang facility tour sa Tayabas sub-station ng NGCP kung saan ipinaliwanag sa mga mamamahayag ang proseso ng pagdaloy ng kuryente mula sa mga planta ng kuryente patungo sa mga transmission line ng NGCP at mga pasilidad ng MERALCO hanggang sa mga kabahayan, tanggapan at mga pabrika na gumagamit ng kuryente.

Bukod kay Atty. Alabanza, dumalo din sa press conference sina Nelson Bautista, regional corpcomm and public affairs officer – South Luzon at Guillermo Redoblado, technical consultant at iba pang opisyal ng NGCP. (CPG/RO- PIA 3. Quezon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters