Tagalog news: MOA para sa disaster preparedness plan ng lalawigan, nilagdaan
LUNGSOD NG BATANGAS, Agosto 3 (PIA) – Isang memorandum of agreement para sa Batangas Province Disaster Preparedness Plan ang nilagdaan ng mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan at national agency, sa pangunguna ni Gobernador Vilma Santos Recto.
Kaugnay din nito ang isasagawang Seminar on Vigilance for Safe and Disaster-Resilient Communities para sa mga kinatawan ng 1,078 barangay sa lalawigan.
Layunin nito na magkaroon ng kakayahan ang mga namumuno sa barangay na maagap na makatugon sa pangangailangan ng mga kabarangay sa panahon ng kalamidad, tulad ng bagyo, lindol, sunog, at pagputok ng bulkan.
Kabilang sa isasailalim na pagsasanay ang kapitan ng barangay, hepe ng peace and order, hepe ng barangay tanod, kalihim ng barangay, at isang kinatawan ng NGO mula sa bawat barangay.
Ayon kay Gobernador Vilma Santos Recto, hangad na maisakatuparan ang plano ukol sa paghahanda sa kalamidad gayundin, ang pagsasanay para sa mga kinatawan ng barangay upang maiwasan ang zero causality sa panahon ng kalamidad.
Aniya, ang pagiging handa ay isang mabisang paraan upang maiwasan kung hindi man ay mabawasan ang epekto ng anumang kalamidad na maaaring dumating sa lalawigan.
Kasamang lumagda at sumang-ayon ng MOA sina Bise Gob. Tomasar; DILG Batangas Province OIC Mr. Noel Bartolabac; DILG Calabarzon Regional Director Josefina E. Castilla-Go; at PNP Provincial Director Atty. Rosauro Acio. Sinaksihan naman ang nasabing paglagda ng MOA ng lahat ng board members at department heads ng Lalawigan ng Batangas. (Ellen Llentada_PIO Province/PIA, Batangas)
Number of Comments: 0