Tagalog news: 238 pulis sa Batangas, na-promote
LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 31 (PIA) -- Isinagawa ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang mass oathtaking at paglalagay ng bagong pin sa mga newly-promoted na mga pulis mula sa iba’t ibang istasyon sa lalawigan.
Ito ay ginanap sa isang simpleng seremonya sa Camp Miguel Malvar sa lungsod na ito kahapon.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng 2012 Phase 12nd level regular promotion program na bahagi ng pagpapataas ng level ng moral at pagkatao ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
May 238 na pulis sa lalawigan ang nataasan ng ranggo at pinning of ranks kasama ang kanilang pamilya at kapwa opisyal.
Ayon kay Rosauro Acio, abogado at PNP provincial director, ang mga bagong promoted na ito ay namuhunan ng dugo’t pawis upang makamit ang paghakbang sa mas mataas na baitang ng kanilang tungkulin kaya’t hangad niya ang mas ibayong pakikipagtulungan at pagtupad sa mga tungkulin para sa ikaaayos ng sambayanan at komunidad.
Sinabi ni Acio na kada tatlong taon ay nagkakaroon ng promotion sa miyembro ng mga pulis ngunit ito ay dumadaan sa isang mahigpit na pag-aaral upang malaman kung karapat-dapat itong ipagkaloob sa sinumang kwalipikado sa susunod na posisyon.
Sabi ni SPO3 Rogelio Candelario Jr., isa sa mga bagong promote, dapat isaisip ng mga pulis kung ano ang magagawa at maaaring ibahagi sa PNP upang mas lalo pang mapaganda ang pundasyon at pagiging sandigan nito ng mga mamamayan.
Aniya, sa bawat ranggo na tinatamo ng isang opisyal ang kaakibat ay karagdagang responsibilidad at dapat isaisip na ang paglilingkod ay hindi para lamang sa sariling kapakanan kundi lalo’t higit sa bayan.
Dagdag pa ni Candelario na dapat ay hindi maging pabigat sa organisasyon ang sinumang pulis, bagkus ay maging isang magandang ehemplo upang tularan ng ibang tao. (PIA 4A, Batangas)
Number of Comments: 0