PhilHealth, ospital ng Batangas , lumagda sa paglulunsad ng Z benefit program
BATANGAS CITY, Hulyo 26 (PIA) -- Upang maipatupad ang kalusugang pangkalahatan, inilunsad ng PhilHealth-4A ang Z benefit program sa outpatient department ng Batangas Regional Hospital (BRH) sa lungsod na ito ngayong araw.
Ang Z benefit ay isang programa ng PhilHealth kung saan sasagutin nito ang gastos sa apat na klase ng matitinding sakit tulad ng breast cancer, prostate cancer, childhood acute lymphocytic leukemia, at kidney transplant.
Ayon kay Dr. Maria Josefina Gool ng PhilHealth-4B, ang coverage ng mga sakit na ito ay may kategorya at hindi kasama ang mga end-stage period.
Sasagutin ng PhilHealth ang pagpapagamot ng mga nasa stage 0 - stage 3A lamang sapagkat ang mga ito ang may malaking tsansa ng paggaling o pagrekober sa mga nabanggit na sakit.
Para sa mga sponsored members, walang dagdag na babayaran ang mga ito sapagkat nagtakda na ang PhilHealth ng halaga ng gastos para sa apat na sakit kung saan ang leukemia ay aabot sa P210,000 ang halaga ng gamutan na maaaring umabot ng tatlong taon; P100,000 naman para sa breast cancer; P100,000 sa prostate cancer; at P600,000 sa kidney transplant.
Ang mga non-sponsored members naman ay may tinatawag na fixed co-pay kung saan may karagdagang babayaran na hindi naman gaanong kalakihan at malaking tulong pa rin sa mga miyembro ng PhilHealth.
Ayon kay Paolo Johann Perez, PhilHealth-4A regional vice president, hangad nilang makatulong nang malaki sa mga miyembrong maysakit at inaasahang sa mga susunod na panahon ay madaragdagan pa ang sakop ng programa.
Dagdag pa nito na isa ang kalusugang pangkalahatan sa pangunahing layunin ng administrasyong Aquino kung saan sa kasalukuyan ay umaabot na sa 85 porsiyento ang coverage sa buong bansa at hangad na maging 100 porsiyento sa susunod pang mga taon.
Malaki naman ang pasasalamat ni BRH Chief Renato Dimayuga at sinabing napakaswerte ng mga Batangueno sa pagkakaroon ng regional hospital sa lalawigan.
Aniya, ito lamang ang tanging regional hospital at maging ang ibang mga lalawigan sa Calabarzon ay dumarayo dito para magpagamot.
Upang mas maisaayos ang implementasyon ng programa, isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Batangas Regional Hospital Chief Renato Dimayuga at PhilHealth-4A's Paolo Johann Perez.(PIA-4A, Batangas)
Number of Comments: 0