Tagalog news: 114th Araw ng Kalayaan, ginunita sa lungsod ng Lipa
LUNGSOD NG LIPA, Batangas, Hunyo 13 (PIA) -- Bilang paggunita sa ika-114 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, isang simpleng seremonya kaugnay nito ang isinagawa ng mga lokal na opisyal sa Plaza Independencia sa lungsod na ito kahapon.
Ang pagdiriwang na may temang "Kalayaan, pananagutan ng bayan para sa tuwid na daan" ay isinakatuparan sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang maikling programa.
Pinanangunahan ni Mayor Meynard Sabili ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas at sinundan ng parade of flags na ginampanan ng mga piling boy scouts sa lungsod.
Ayon kay Sabili, ang ganitong pagkakataon ang isa sa dapat ipagpasalamat ng mga Pilipino sapagkat tayo ay nabigyan ng kalayaan na napakatagal na ipinaglaban sa pamamagitan ng dugo at buhay ng ating mga ninuno.
Binigyang-diin pa ng punonglungsod na matapos ang mahabang panahon ay ramdam ng mga Lipeno ang pagkakaroon ng tunay na kalayaan bukod pa sa patuloy na pagpupunyagi upang mapanatili ito.
Aniya, ang pagkakaroon ng kalayaan upang malabanan ang kahirapan ang isa sa tinutugunan ng lokal na pamahalaan kung kaya't maraming mga programa tulad ng pagkakaloob ng edukasyon para sa mga mahihirap na mag-aaral sa lungsod ay binibigyang katuparan nila.
Sa kasalukuyan may 12,000 mga iskolar ang pamahalaang lokal mula sa dating 250 at isa ito sa kanilang kasagutan upang magkaroon ng kalayaan sa kahirapan ang mga Lipeno.
Sinabi pa ni Sabili na ang pagbibigay din ng mga programang pangkabuhayan ang mabisang sandata para sa mga mamamayan upang magkaroon ng kalayaan na mapaunlad ang sarili at pamayanan.
Dagdag pa niya, ang totoong kalayaan ay ang pagbibigay sa mga Lipeno ng isang tahimik at maayos na lungsod kung kaya't patuloy ang kanyang pagpupunyagi na maiwaksi ang mga krimen at anumang ilegalidad dito partikular ang mga problema sa droga at pangungurakot. (CPG/MPDC-PIA5 Batangas)
Number of Comments: 0