Tagalog news: Anti-human trafficking ordinance sa lungsod ng Batangas, binalangkas

BATANGAS CITY, Hunyo 6 (PIA) -- Bilang tugon sa malawakang kampanya laban sa human trafficking, isang ordinansa ang binalangkas ng mga miyembro ng sangguniang panglungsod ng Batangas sa regular na sesyon nito noong ika-4 ng Hunyo na may titulong “Batangas City Anti-Trafficking Ordinance of 2012.”

Ayon kay Councilor Narciso Macarandang, sponsor ng naturang ordinansa, isa sa probisyon ng ordinansa ang pagbuo ng Batangas City Anti-Trafficking Task Force na siyang mag-rerebisa sa pagpapatupad ng batas laban sa trafficking in persons.

Ang task force din ang magpapatupad ng programa hinggil sa information dissemination sa lungsod upang higit na maintindihan ng mga tao ang kanilang responsibilidad upang tuluyang maiwasan at matigil na ang gawaing ito.

Kaugnay ng batas laban sa human trafficking, isa pang ordinansa ang nakatakdang ipasa ng naturang konseho na tumatalakay sa juvenile delinquency at intervention upang ito ay tuluyan nang masugpo.

Ito ay bilang pagtalima sa Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare System Act na nag-aatas sa bawat pamahalaang lokal na magkaroon ng comprehensive juvenile intervention program (CJIP). Base pa rin sa batas na ito, ang lahat ng kabataan na masasangkot sa anumang uri ng krimen ay dadaan sa diversion programs at hindi na kakailanganing dumaan pa sa korte bilang proteksyon sa kanilang karapatan.

Ayon kay Macarandang, dito nila ibinatay ang binalangkas nilang ordinansa. Ang City Council for the Protection of Children (CCPC) ang magsisilbing pangunahing ahensiya na magsasaliksik para sa mas komprehensibong juvenile intervention and diversion programs. Sila rin ang gagawa ng polisiya para sa tamang implementasyon nito.

Bukod sa city social welfare and development office (CSWDO), inaasahan din ang pagtulong ng mga non-government organizations upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng batas na ito.

Samantala, inaasahan na maipapasa ang mga nabanggit na ordinansa sa susunod na sesyon sa ikatlong pagdinig dito. (Jerson J. Sanchez, PIO Batangas City/CPG/MPDC-PIA Batangas)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters