Tagalog news: 111 special children, nakinabang sa medical mission

By Mamerta P. De Castro

Friday 25th of May 2012
BATANGAS CITY, Mayo 25 (PIA) -- Isang medical mission para sa mga “children with special needs” ang isinagawa kamakailan sa Batangas City Convention Center ng Helping Hands Clinic at Batangas City Government- EBD Healthcard Program sa pakikipagtulungan ng ABS CBN Southern Tagalog Network.

Nakinabang dito ang may 111 pasyente, kabilang ang mga batang may autism, ADHD, Down Syndrome, speech delay, at iba pa.

Ang nasabing medical mission ay pinangunahan ni Dr. Marizel Pulhin-Dacumos katulong ang tatlo pang developmental pediatricians mula sa Maynila at mga dentists, occupational, physical at speech therapists mula sa Helping Hands Clinic, at iba pang clinic at ospital sa bansa.

Binigyang diin ni Dacumos na bukod sa masuri ang kondisyon ng mga bata, layunin ng medical mission na mabigyan ng “basic knowledge” ang mga magulang at iba pang kasama sa bahay sa pag-aalaga sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Tinuruan din ang mga ito na maging therapists ng kanilang mga anak upang maturuan naman ang mga bata na magampanan ang mga simpleng gawain para sa kanilang sarili.

Ayon pa rin sa kanya, ang medical mission ay “isang one-stop clinic” kung saan ang mga pasyente ay susuruin muna ng mga developmental pediatricians, at ire-refer ng mga ito sa mga dentista at mga therapists, depende sa nakitang pangangailangan ng mga ito. May dala rin ang mga itong pasilidad at basic materials na kinakailangan para maumpisahan ang therapy ng mga pasyente.

Ang naturang check up ay nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P3,000 kung isasagawa sa mga pribadong klinika.

Ito ang ikalawang medical mission na isinagawa ng Helping Hands para sa mga children with special needs. Apat na taon na ang Helping Hands na tumutulong sa mga children with special needs. Sa kasalukuyan ay may 40 pasyente ang sinusuportahan sa ilalim ng EBD Healthcard program.

Samantala, isa sa mga nakinabang sa medical mision si Maricris Almarez, 11 taong gulang mula sa Brgy. Sto. Domingo. Hindi nakakarinig at nakakapagsalita si Maricris, na napansin ng kanyang mga magulang noong siya ay tatlong taong gulang pa lamang. Dahil sa kapus sa pampagamot, ito ang unang pagkakataon na napatingnan siya ng kanyang magulang sa espesyalista. Nagpapasalamat naman ang ina ni Maricis na si aling Catalina, dahil naumpisahan ang pagpapagamot ng kanyang anak. (Marie V. Lualhati-PIO Batangas City/PIA 4A, Batangas)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters