Tagalog news: Seminar hinggil sa kahalagahan ng mga OFW, isinagawa

By Mamerta P. De Castro

Thursday 3rd of May 2012
IBAAN, Batangas, Mayo 3 (PIA) -- Isinagawa sa bayang ito kamakailan ang isang seminar na tumalakay sa mahalagang kontribusyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs) hindi lamang sa iisang pamilya ngunit sa buong komunidad at bansa.

Pinangasiwaan ang seminar na may titulong "Financial Literacy and Addressing Barriers to reintegration for OFWs and families left behind" ng mga kinatawan mula sa ATIKHA Overseas Workers and Communities Initiative Inc., isang non-government organization na nagtataguyod at sumusuporta sa mga pamilya ng OFWs na naiiwan sa bansa.

Tinalakay sa seminar ang mga paraan ng wastong pangangasiwa ng perang ipinapadala ng mga OFWs sa kanilang mga mahal sa buhay at ang nagiging sirkulasyon nito bilang remittances na mahalaga rin sa kita at pag-unlad ng isang bansa.

Ipinaliwanag sa seminar na kaakibat ng bawat sentimo o halaga ang iba't ibang pagsubok at sakripisyo na hinaharap ng mga OFWs na dapat umanong makita at maunawaan ng pamilyang naiiwan sa bansa.

Binigyang pansin rin kung paano maipapaunawa sa mga anak ng mga OFWs ang sitwasyon ng kanilang magulang na namumuhay ng malayo upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang naturang seminar ay isinagawa sa Sangguniang Bayan Municipal Hall na dinaluhan ng mga pamilya ng mga OFWs sa Ibaan.

Inaasahang makatutulong ang ginawang seminar sa mga OFW families para sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng kanilang sarili at pamilya. (CPG/MPDC/PIA4A-Batangas)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters