Tagalog News: San Pablo LGU, lalahok sa kampanya laban sa mga iligal recruitment at human trafficking

By Alan C. Ortillano

Friday 25th of May 2012
SAN PABLO CITY, Laguna, Mayo 25 (PIA) -- Lalahok ang lungsod ng San Pablo sa nakatakdang “Anti-Illegal Recruitment/Anti-Trafficking in Persons (AIR/ATIP)” seminar na gaganapin sa Cultural Center of Laguna sa Santa Cruz sa darating na Mayo 29-31 bilang pampapasigla sa kampanya laban sa mga nasabing tao.

Ang seminar na itataguyod ni Gobernador Jorge Ejercito Estregan, bilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay naglalayong masugpo ang pagkilos ng mga iligal na gawain ng mga taong ito sa buong lalawigan ng Laguna.

Kaugnay nito, iniulat ni City Administrator Loreto Amante na lalagda si Punong Bayan Vicente B. Amante sa isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), Commission on Filipinos Overseas, at Department of Labor and Employment-Region IV-A na pinamamatnugutan ni (OIC) Regional Director Alex Avila na gaganapin sa araw ng Martes, Mayo 29.

Una dito, sa tuwirang pakikipagtulungan ng DOLE-Region IV-A, ang lungsod ay may isang patuluyang palatuntunan upang maipaunawa sa mga community leaders ang mga mahahalagang probisyon ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 sa ilalim ng Batas Republika Bilang 9208, at ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 sa bisa ng Batas Republika Bilang 8042.

Katunayan nito, marami nang natulungang mula sa lunsod ang lokal na Public Employment Service Office (PESO) na nagkakaroon ng suliranin sa pamamasukan sa labas ng bansa, lalo na ang natatalaga sa Middle East at Taiwan. (ACO-PIA 4A, Laguna at ulat mula kay Ruben E. Taningco)








Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters