Tagalog news: Kumperensiya ng autism society, magkasunod na idaraos sa 2 bayan sa Cavite

By Carlo P. Gonzaga

Saturday 4th of August 2012
CARMONA, Cavite, Agosto 4 (PIA) -- Ang Autism Society of the Philipines (ASP)-Cavite katulong ang Laguna, Batangas at Lucena chapters ay nakatakdang idaos ang kanilang ika-limang regional conference on autism sa Agosto 11-12, 2012 sa bayang ito at sa Lungsod ng Dasmariñas.

Sa temang “Living with Autism: Hope @Home,” ang pagtitipon ay naglalayong makapagbigay ng pag-asa sa mga batang may autism at sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga iba’t ibang estratehiya at pamamaraan upang makamit ang kanilang buong kakayahan.

Ito rin ay naglalayong maipakita na ang pagpapahalaga sa mga taong may kapansanan ay hindi lamang sa loob ng bahay kundi dapat kabahagi rin ang komunidad, bayan, lalawigan at rehiyon.

Ang dalawang araw na kumperensiya na idaraos sa pakikipag-ugnayan sa St. Brother Miguel Febres Cordero Neurodevelopmental Center ng De La Salle-Health Sciences Institute at ng pamahalaang lokal ng Carmona ay inaasahang dadaluhan ng mga opisyales at kinatawan mula sa mga iba’t ibang pamahalaang lokal sa Calabarzon, mga magulang, propesyonal at estudyante.

Sa unang araw, itatampok ang community-based rehabilitation (CBR) program ng pamahalaang lokal ng Carmona at best practices ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) nito na itinuturing na modelo sa pagkakaloob at pagbibigay pansin sa mga pangangailangan ng mga taong may kapansanan.

Ang paksang “family and community approaches concerning autism” ang paksang pagtutuunan sa ikalawang araw ng pagtitipon na idaraos sa De La Salle Neurodevelopmental Center DeLa Salle-Health Sciences Institute sa Dasmariñas City.

Sa mga interesado, maaaring makipag-ugnayan kay Chie Marquez ng ASP-Baccor sa bilang na 09175406727. (CPG, PIA4A at ulat mula sa PIO-Carmona)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters