Tagalog news: Kabundukang sakop ng Antipolo, mahigpit na pinangangalagaan
ANTIPOLO CITY, Rizal, Hulyo 6 (PIA) -- Mahigpit na pinangangalagaan ng Antipolo ang mga kagubatan at kabundukan sa loob ng Upper Marikina River Basin (UMRB) bilang paghadlang sa posibleng mga kalamidad na dala ng pagbabago ng panahon dulot ng global warming.
Sa pulong kamakailan na ginanap sa city hall, tinalakay ni Arnulfo Hernandez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) 4A ang mga hakbangin sa binuong comprehensive management plan para sa UMRB protected landscape.
“Ang ginagawang pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Nilo Leyble ay senyales ng kanyang malasakit para sa mga mamamayan ng Antipolo at sa kalikasan. Matagal nang may pakikipag-ugnayan si Mayor Nilo sa ating ahensya, bilang miyembro na rin ng Protected Area Management Board (PAMB),” sabi ni Hernandez.
Base sa nasabing management plan, nakatakdang higpitan ang pagpasok ng mga indibidwal para manirahan sa mga kabundukan, partikular iyong itinuturing na mga kakahuyan o iyong nasa ilalim ng tinaguriang strict protection zone. Sa ilalim naman ng multiple used zone ay magpapatupad din ng kaukulang panuntunan sa mga pagtatayo ng mga istraktura at kabahayan maging sa mga iba’t ibang gawaing nararapat lamang gawin dito.
Kaugnay nito, kasalukuyang isinasaayos na ng tanggapan ng CPDO ang comprehensive land-use plan ng Antipolo City upang tumugon sa mga itinatadhana sa nasabing management plan ng UMRBPL.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong ang mga tauhan ng city environment and waste management office, city development affairs office, city planning and development office at ng tanggapan ni Sangguniang Panlungsod, committee chairman on environmental protection Councilor Edward O’Hara. ((PIO-Antipolo City/CPG-PIA4A)
Number of Comments: 0