Mga pulis sa Calabarzon, hinikayat na ibalik ang dating respeto sa PNP

By Carlo P. Gonzaga

Tuesday 3rd of July 2012
CALAMBA CITY, Laguna, Hulyo 3 (PIA) -- Hinikayat ng isang kongresista ang mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) sa buong Calabarzon na ibalik ang dating pagtingin ng mga mamamayan sa mga pulis.

Sa mensahe ni Cavite 3rd District Representative Erineo S. Maliksi, sinabi niyang walang mamumuhunan sa isang bayan kung walang katiwasayan maging ang mga turista man kung magulo ang kapaligiran. Aniya, mapapanatili lamang ang kapayapaan kung magtutulungan ang mga pulis at mamamayan.

Si Maliksi ay guest of honor at speaker sa joint kick off ceremonies ng 17th Police Community Relations Month (PCRL) at National Disaster Consciousness Month (NDCM) na ginanap sa Camp Vicente Lim nitong Lunes.

Ang tema ng 17th PCR month ngayong taon ay “Mamamayan at Kapulisan: Patuloy ang Ugnayan sa Higit na Ligtas, Mapayapa at Maunlad na Pamayanan,” habang ang NDCM ay “Ligtas na Bayan, Maunlad na Pamayanan.”

“Kayo na sa inyong mga hanay ang lumutas ng problema. Ilan lamang ang mga mapang-abusong pulis at nadadamay ang mabubuting pulis na matapat sa tungkulin,” sabi ni Maliksi.

Ayon pa kay Maliksi, lahat ng mamamayan ay naghihintay ng kalinga sa mga tagapagpaganap at tagapagtaguyod ng batas, ang mga pulis, at sana maibalik ang dating respeto sa mga pulis katulad nang pagrespeto sa mga titser.

Si Maliksi ay naging chief of police sa Imus sa edad na 23, at naging mayor at gobernador ng Cavite. (CPG-PIA4A)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters