Tagalog news: PhilHealth pinaigting ang kampanya sa pagprotekta sa mga ina

LUCENA CITY, Quezon, Hulyo 2 (PIA) -- Pinaigting pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kampanya sa pagprotekta sa kapakanan ng mga ina.

“Higit kailanman, ngayon mas kinakailangan na palakasin ang pagbibigay proteksyon sa ating mga ina,” ayon kay Dr. Eduardo P. Banzon, president at chief executive officer ng PhilHealth.

Ito ay bilang pagtugon sa 2011 Family Health Survey ukol sa maternal deaths na ipinalabas kamakailan ng National Statistics Office (NSO).

Ang pagkamatay ng mga ina dahil sa pagbubuntis o sa panganganak ay sanhi ng kakulangan ng pangangalagang medikal at pag-aalaga mula sa health facilities. Kaya naman upang matugunan ang pangangailangang ito, sinimulan ng PhilHealth noong 2003 na magbigay ng serbisyo sa mga facility-based deliveries sa pamamagitan ng Normal Spontaneous Delivery (NSD) Package para sa mga accredited na pampubliko at pribadong ospital at Maternity Care Package (MCP) para naman sa mga non-hospital na pasilidad.

Sa nakalipas na taon, pinalawak ang package mula sa sakop nitong unang panganganak na nagkakahalaga ang benepisyo sa ilalim ng NSD ng P4,500 hanggang sa ipinatutupad ngayon na ika-apat na panganganak na nagkakahalaga naman ng P8,000. Sa pamamagitan ng MCP at NSD, nasisiguro ang kabuuang pangangalaga simula sa prenatal hanggang sa postnatal. Gayundin, kasama ang, “No Balance Billing (NBB)” o Walang Dagdag Bayad na polisiya para sa lahat ng mga miyembro. Wala nang dahilan ang mga ina upang mag-alala sa kanilang gagastusin kapag manganganak sa mga PhilHealth accredited na pasilidad.

Upang masiguro ang implementasyon ng naturang package, inilunsad ng PhilHealth ang 1MOM (1Municipality, One MCP Provider) campaign. Layunin ng 1MOM Campaign na magkaroon ng PhilHealth accredited provider sa bawat munisipalidad.

Ayon kay Banzon, “Maselan ang accreditation hindi lamang sa usaping pagpapabuti ng kalidad ng implementasyon ng mga panuntunan kundi ukol din sa pagsisiguro ng mga resources sa mga pasilidad. Ang perang makukuha ay maaaring ipagpagawa ng imprastraktura ng pasilidad, makabili ng mas maraming kagamitan.”

“Mula sa 198 accredited na pasilidad noong 2007, tumaas ang bilang sa 998 accredited facilities hanggang noong Marso 2012,” ayon sa ulat ni Dr. Narisa J. Sugay, head PhilHealth Accreditation Department at MDG Benefits Team. Ngunit sa kabila ng pagtaas ng bilang na ito, napagalaman na may humigit kumulang lamang na 607 sa kabuuang bilang na 1,646 munisipalidad at siyudad ang may iisang accredited MCP provider. Kaya naman, patuloy ang PhilHealth sa pagpapabilis ng proseso at pagbibigay suporta upang mas maraming providers ang sumali sa programa.

Ngunit hindi ito kakayaning mag-isa ng PhilHealth. “Ang 1MOM Campaign ay isang panawagan upang gumalaw ang mga nasa loob o maging nasa labas ng health sector. Kung naniniwala kayo na hindi katanggap-tanggap na mamatay ang ating mga ina, makiisa kayo sa kampanyang ito,” ayon pa kay Dr. Banzon.

“Inihahandog din ng kampanyang ito na paunlarin ang kakayanan ng mga midwives, magamit nang husto ang mga resources ng health facility upang makapagbigay ng malawak na emergency care, magkaroon ng malikhaing impormasyon at programa sa komunikasyon para sa mga ina,” dagdag pa ni Banzon. Gayundin mahalaga na masiguro na ang mga ina ay kabilang sa National Health Insurance Program (NHIP) upang makagamit ng naturang package. (CPG/Jane Calingasan/Jerell Chua-PhilHealth4A/PIA4A)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters