Tagalog news: DOLE, naglabas ng P5.11M para sa manggagawang biktima ng baha sa Gitnang Luzon

By Joselito S. Libranda

Saturday 18th of August 2012
BALER, Aurora, Agosto 18 (PIA) -- Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P5.11 milyon bilang emergency employment fund para sa mga manggagawang apektado ng malawakang pagbaha sa Gitnang Luzon.

Sinabi ni DOLE Regional Director Raymundo G. Agravante na 3,100 manggagawa mula sa limang lalawigan sa rehiyon na tinamaan ng matinding pagbaha, ang Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Zambales ang uupahan upang alisin ang mga kalat; tanggalin ang mga bara sa mga kanal, drainage at daluyan ng tubig na barado ng mga basura; at paglilinis at pagkukumpuni ng mga pampublikong gusali at ibang imprastruktura, tulad ng mga paaralan, barangay hall, pampublikong pamilihan, mga kalsada at tulay.

Ang mga manggagawa ay magtatrabaho sa loob ng 10 araw sa mga gawaing paglilinis sa komunidad sa limang lalawigan sa Gitnang Luzon, ani Agravante.

Sinabi ni Agravante na nasa ilalim ang programang emergency employment ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating mga Disadvantaged Workers (Tupad) ng DOLE.

Para sa mga programang tulad ng Tupad, ang local government units (LGUs) ang karagdagan sa tulong na emergency employment ng DOLE sa pamamagitan ng paglalaan ng equity para sa mga gastusing administratibo, tulad ng halaga ng mga kasangkapan, kagamitan, pagkain at administrative expenses.

Ang paglalabas ng pondo ay alinsunod sa Department Order No. 85, Series of 2007 ng DOLE, na pinamagatang, “DOLE Adjustment Measures Program for the Prevention of Job Losses and Assistance to Displaced Workers.”

Isa ang Gitnang Luzon sa mga lugar na matinding tinamaan ng mga pagbaha na dala ng hanging habagat noong nakaraang linggo.

Batay sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), mayroong 1,393 barangay sa rehiyon ang lumubog sa mga pagbaha noong nakaraang linggo, na nakaapekto sa 576,986 na pamilya o 2,486,320 katao.

Mula sa bilang na ito, sinabi ng RDRRMC, na hindi bababa sa 267 mga komunidad sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan at Tarlac ang nananatiling baha mula isa hanggang limang talampakan. (JSL-PIA3)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters